Kapwa tinuran ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) na imposible pang maipatupad sa MIMAROPA ngayong 2020 ang tradisyunal na istilo ng pagtuturo dahil sa mataas pa ring aktibong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
“With the current situation that we have now, the earliest I think is next year…particularly sa mga lugar na walang COVID-19 case; [or at least], ang mga lugar na zero to five [active] cases ay baka papayagan ng Face-to-face [Instruction]. Pero kung babatay sa kasalukuyang sitwasyon, may mga lugar talaga na hindi mapapayagan, particularly sa [Lungsod ng] Calapan, then San Jose [Occidental Mindoro], and ang [Lungsod ng] Puerto Princesa rin dahil marami ang active cases ng Puerto Princesa,” ang kasagutan ni CHED Regional Director Joselito Alisuag sa katanungan ng Palawan Daily News kung may mapapayagan bang lugar sa rehiyon na makapagsagawa ng tradisyunal na paraan ng pagtuturo sa naganap na virtual presser ng PIA-MIMAROPA kahapon.
Sa Puerto Princesa na sa huling datus ay mayroong 38 active COVID-19 cases, ani Alisuag, ay halos imposible pa itong mapagbibigyan ng IATF.
“I hope, bumaba ‘yan by this end of the year para payagan na uli ang limited Face-to-face kasi ‘yong vaccine naman will not come until next year, nasa stage three testing pa lang sila until March ata o February. Ang pinakamaaga na magkarooon ng vaccine ay [baka] October, November pa next year,” ayon pa sa direktor ng CHED-MIMAROPA.
Aniya, mainam na mapababa ang nasabing kaso bagamat hindi rin mapipigilang umuwi ang mga locally stranded individual (LSI) na aniya’y kadalasang nagpopositibo sa COVID-19 na problema rin umano ng Oriental Mindoro.
Nang tanungin naman si DepEd-MIMAROPA spokesperson Sherelyn Laquindanum sa kung may natanggap na ba sila sa rehiyon na kahilingan mula sa City Council ng Puerto Princesa na mapayagan ang Face-to-face mode of instruction sa IP communities, binanggit niyang wala pa silang natatanggap. Matatandaang napag-usapan kamakailan sa Konseho ng siyudad ang kahilingan ng IPMR na mapayagan ang tradisyunal na uri ng pagtuturo sa mga lugar ng mga katutubo sapagkat nasa low risk area naman ang lungsod sa kadahilanang hirap sila kahit sa Modular Distance Learning modality.
“Sa tingin ko, hindi pa kayang payagan ang Face-to-face instruction sa ngayon…pataas ng pataas [kasi] ang cases natin sa MIMAROPA….Tingnan natin by next year, kasi ang presidente, ayaw din niya ang Face-to-face kasi [ang karamihang mag-aaral dito]…ay mga batang maliliit [kaya], definitely hindi pa pwede,” ani Laquindanum.
Sa kabilang dako, umaasa na lamang si RD Alisuag na may mga campuses na magkukwalipika para sa limited Face-to-face Instruction sa 2021.
“Pero, if there is any region na magku-qualify sa face-to-face learning, it should be MIMAROPA. Dalawang lugar na, well, blessings in disguise na isla tayo, dalawang lugar na ‘yong pwedeng mag-qualify [at ito] ay BARMM and MIMAROPA; siguro Batanes din. Those are the areas na maayos naman ang quarantine procedure; halos karamihan ng positive ay imported, bihirang-bihira ang local transmission,” ang pahayag pa ng pinuno ng CHED-MIMAROPA na mula sa Lungsod ng Puerto Princesa at dating guro ng Palawan State University (PSU).
Discussion about this post