Agriculture

Ilang pananim na seaweeds sa Bayan ng Roxas, nasira ng bagyong ‘Quinta’

By Diana Ross Medrina Cetenta

October 29, 2020

Hindi lamang buhay ang nawala bunsod ng kamakailang pananalasa ng bagyong “Quinta” sa lalawigan kundi pati rin ang ilang produktong pang-agrikultura tulad ng mga pananim na seaweeds sa Purok Green Island, Brgy. Tumarbong, Roxas, Palawan.

Sa post ng Green Island, Roxas, Palawan Facebook page kahapon, ipinakita ang mga na-wash out na seaweeds na napag-alamang kasama sa mga pananim ni dating Barangay Kagawad Lino Sornito.

Photo credits to Green Island, Roxas, Palawan
Photo credits to Green Island, Roxas, Palawan

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ayon sa anak ni Sornito na si Louie Sornito, tinatayang dalawang tonelada ng sariwang tanim na seaweeds ang na-washout sa nagdaang malakas na hangin at alon.

“Gano’n talaga ang buhay—‘di talaga maiwasan ang kalamidad and kasama talaga sa risk as farmer [ang ganitong kaganapan],” ang nasambit naman ni Sornito.

Sa natanggap namang impormasyon ng Palawan Daily News (PDN), ang bilihan ng seaweeds sa nasabing isla bago ang COVID-19 pandemic ay nasa ₱60 pataas ngunit ngayong panahon na ng pandemya ay nasa ₱38 na lamang ito hanggang ₱40, habang kapag sariwa naman ay ₱5 lamang.