Photo courtesy of DTI-Palawan

Business

3 establisyimento sa Puerto Princesa, binisita ng DTI-Palawan kaugnay sa pagdiriwang ng Consumer Welfare Month

By Diana Ross Medrina Cetenta

October 16, 2020

Bilang isa sa mga highlight ngayong “Consumer Welfare Month” at “National Standards Week (NSW)” ng Department of Trade and Industry (DTI) ay binisita kamakalawa ng mga kawani ng DTI-Palawan ang tatlo sa mga pangunahing establisyimento sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ang nasabing Provincial Monitoring & Enforcement activity ay alinsunod sa simultaneous monitoring & enforcement activity ng DTI-MIMAROPA sa lahat ng lalawigan sa buong rehiyon.

Tiningnan ng DTI Palawan Provincial Enforcement Team (PMET) ang mga produktong tinitinda ng tatlong malalaking tindahan sa lungsod kung ang mga iyon ba ay pasado sa Bureau of Philippine Standards at kung mayroong Philippine Standard (PS) mark at Import Commodity Clearance (ICC) Sticker. Ang kanilang mga pinuntahan ay ang Wilcon Depot, NCCC Mall (Department store at Hardware Maxxx) at ang Budget Home Depot-Rizal Avenue.

“Pasado naman ang mga produktong na-inspect namin….Pinakita at tinuruan din namin ang in charge ng establishments patungkol sa ICC Sticker Verification System App para sila na mismo ‘yong magbabantay sa kanilang binebentang products kung mayroon ba itong ICC,” ayon naman sa Official in Charge ng DTI Palawan-Consumer Protection Division (CPD) at tagapagsalita ng DTI-Palawan na si Persival T. Narbonita.

Ayon pa kay Narbonita, napili ang nasabing mga tindahan dahil nagkataong sila na lang ang hindi pa naikutan ng kanilang grupo. “Yong ibang malls at tindahan kasi, naikutan na namin, bago pa,” aniya.

Sa bisa ng Presidential Proclamation 1098 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Hulyo 15, 1992 ay ipagdidiriwang kada buwan ng Oktubre, taun-taun ang Consumer Welfare Month na ngayong 2020 ay may temang “Sustainable Consumer in the New Normal.” Ang NSW naman ay ipinagdiriwang tuwing Okt. 8-14 taun-taon, na kung saan, kasabay ding ipinagdiriwang tuwing Okt. 14 ang World Standards Day (WSD).