City News

12 na kaso ng COVID-19 na naitala noong Abril 29, kumpirmadong Omicron BA.2.12.1, 11 dito ay foreigners

By Raiann Luna Casimiro

May 13, 2022

Kumpirmadong variant ng Omicron BA.2.12.1 ang naitalang mga kaso ng COVID-19 noong ika-29 ng Abril, ayon sa pahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, sa live press briefing kaninang umaga, May 13.

11 dito ay foreigner at isa naman ay lokal sa lungsod, kung saan saad ng undersecretary na isang “mini cruise line” na may sakay na 18 Filipino crew members ang dumaong sa lungsod noong ika-22 ng Abril.

Kinabukasan (April 23), naitala namang may 25 foreign tourists ang sumakay din sa nasabing cruise para mag-diving sa Tubbataha Reefs, at tatlong araw matapos ang kanilang pag-alis ay isang foreign national ang nag-report na nakakaramdam na siya ng nasal congestion, nagpa-antigen test, at napag-alamang positive na siya sa coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi rin sa live media briefing na 28 ang naging close contacts ng 12 na ito, at lahat ng mga iyon ay na-trace at nalamang negatibo naman ang kanilang mga resulta sa COVID-19. Kasalukuyan ring bine-verify ang vaccination status ng mga ito.

Maaalalang sinabi ng ilang mga eksperto na pinaniniwalaang 27% na mas nakakahawa ang BA.2.12.1 kumpara sa naunang mga variant noong mga nakaraang buwan, pati na rin sa BA.2.12 na variant rin ng Omicron.

Pinapaalalahanan rin ng ahensya na sa pag-usbong ulit ng mga variant na ito ay dapat magsilbing babala sa publiko na hindi pa tapos ang pandemya kaya lahat ay dapat pa ring sumunod sa minimum public health standards.