City News

2 sa 11 PNP personnel ng PPCPO, gumaling na mula sa COVID-19

By Diana Ross Medrina Cetenta

April 25, 2021

Dalawa sa 11 mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na nagpositibo sa COVID-19 kamakailan ang kasalukuyang nasa home quarantine na matapos gumaling sa sakit.

Ayon sa tagapagsalita ng PPCPO na si PLTCOL. Mhardie Azares, tagapagsalita ng PPCPO, nakalabas na mula sa quarantine facility ang nasabing mga pulis noong nakaraang linggo at nire-require na lamang sila ng mga kinauukulan na sumailalim sa home quarantine bago makabalik muli sa trabaho.

“Kapag nag-negative na sa RT-PCR, ‘yon, home quarantine muna [sila]  ng another seven days. Then, bibigyan ng certificate ng IMT na ‘fit to work’ na [sila],” ani PLTCOL. Azares sa pamamagitan ng phone interview.

Sa kabutihang-palad, lahat naman umano sa mga nahawaan ng COVID-19 sa kanilang hanay ay maayos ang kanilang kalagayan.

“Okey naman [sila]. Most doon sa [natitirang] nine ay asymptomatic naman. ‘Yong iba ay may mga mild symptoms pero okey naman. Wala namang critical sa kanila,” aniya.

Sa ngayon, nananatiling namang nasa quarantine facility ang siyam na natitirang PNP personnel  at patuloy na nagpapagaling.

Tiniyak din ng opisyal na wala nang nahawaan pa sa 11 na pulis na nagpositibo sa COVID-19.

“So far, sa dami ng contact tracing na ginawa,mga negative naman ang mga na-close contact nila. Hindi naman  nadagdagan ‘yong 11,” ani Azares.

Kinuwento naman ni Azares kung paano nakuha ng nasabing mga pulis ang nakahahawang sakit.

“Mga close contact din sila ng mga nag-positive. ‘Yong iba, sa family, sa bahay—may mga kasama sila sa bahay na nag-positive, ayon, nadala nila sa opisina, na-transmit na roon,” aniya.

PAGHIHIGPIT NG PPCPO

Ibinahagi rin ni PLTCOL. Azares na nagsagawa na rin ng disinfection sa buong compound ng PPCPO headquarters noong unang linggo pa ng Abril at nagpapatuloy silang naghihigpit hanggang sa kasalukuyan.

“Sa ngayon ay hindi tayo tumatanggap ng mga bisita sa PPCPO, hanggang gate lang, except sa media. Pero kung visit lang sa mga detainee natin, wala,” aniya at idinagdag na ipinaabot lang sa naka-duty na pulis ang ipinaaabot para sa mga detainee.

Bahagi rin aniya ng lubos na paghihigpit ng City PNP ay ang required na pagsusuot ng facemask at faceshield at ang pagdadala nila ng sarili nilang alcohol at ang lubos na pag-oobserba sa pagsunod sa nabanggit na mga minimum health protocol. Aniya, kailangan ngayon ng ibayong pag-iingat dahil may pamilya rin silang inuuwian matapos mag-duty.

“Yong mga dating practice during GCQ time last year, na pag-uwi sa bahay, dalhin agad ang uniform sa labahan, ligo agad bago makihalubilo sa ating family. Kung marami namang [tao] sa bahay, kung may mga bisita tayo, mag-facemask pa rin. ‘Yong gano’ng mga panuntunan dapat i-observe ng ating mga kasamahang pulis pa rin para hindi rin tayo maapektuhan,” aniya.

Bahagi rin aniyang paghihigpit sa loob ng headquarters ay ang pagdaan nila sa pag-check ng Body temperature, footbath, at disinfection.

‘50-50 WORK SCHEME’

At dahil kasama sa may matataas na kaso ng COVID-19  ang Puerto Princesa, mas nauna na rin umano silang nagpatupad 50-50 work scheme o kahalati lang ang tauhan sa opisina, lalo na umano dahil hindi kalakihan ang tanggaapan ng PPCPO at naka-aircon pa, alinsunod sa kautusan ng higher headquarters.

Hindi naman umano apektado  ang trabaho ng PPCPO dahil headquarters naman sila at administrative at consolidation ng mga report lamang ng mga station ang kanilang ginagawa. Naisasagawa aniya nila ito sa pamamagitan ng internet connectivity at paperless transactions.

“Directive ‘yan ni Chief PNP nang [tumaas ang kaso] sa NCR; in-advise niya ‘yan na i-obseve kasi even him, tinamaan siya ng COVID-19. So, actually, nationwide ‘yan ina-practice ang 50-50 [scheme]. Mayroon lang ilang province lang hindi pina-practice dahil hindi naman sila gravely affected. Tayo apektado tayo kaya observe natin,” ani PLTCOL. Azares.