Mahigit sa 20 mangingisda mula sa Barangay Mangingisda dito sa lungsod ang binabantayan ngayon at naka-home quarantine matapos makumpirmang lumabas ang mga ito ng lungsod at nagbenta ng mga huli nilang isda sa Iloilo.
Ayon kay Punong Barangay Absalon Umpad, lulan ang mga mangingisda ng dalawang bangka na ang una ay nakauwi noong ika-8 ng Abril habang ang isa pang grupo ay nakabalik sa Barangay Mangingisda kahapon ng madaling araw, April 14.
Agad anya silang umaksyon at nagsagawa ng contract-tracing sa kanilang barangay upang makatiyak na ligtas ang lahat sa banta ng nakamamatay na virus.
“Nasa 20 na mangingisda sila at umaksyon naman agad kami kaya ngayon ay naka-home quarantine sila kasama ang kanilang mga pamilya at iba pang nakasalamuha,” sabi ni Umpad sa panayam ng Palawan Daily.
Sa kabuoan, nasa 52 families ang binabantayan ngayon ng Barangay Mangingisda kung saan ibinigay narin nila ang pangangailangan ng mga ito sa loob ng limang araw upang hindi na lumabas pa ng kanilang mga bahay habang hinahanap naman nila ang isa pang sinasabing umuwi sa Barangay Bagong Sikat.
“Under monitoring sila ngayon at talagang binabantayan namin ang 52 families na ‘yan at nakipag-ugnayan na kami sa Barangay Bagong Sikat dahil may isa silang kasama na umuwi doon pati ‘yung isang media reporter na nakasalamuha nila,” ani Umpad.
Nakalusot anya ang mga ito dahil sa hindi pagsasabi ng totoo sa Philippine Coast Guard at mabuti na lamang at may nagbigay sa kanila ng impormasyon at kalauna’y umamin din ang mga nasabing mangingisda.
“Walang katotohanan na alam at pinayagan sila ng Coast Guard dahil nagsinungaling sila and so far, wala naman kaming nakikitang sintomas at okay naman ang lagay nila sa ngayon, sana nga okay talaga sila para wala na tayong problema,” paliwanag ng opisyal.
Samantala, nakausap naman ng Palawan Daily News ang sinasabing media at reporter ni Kapitan Umpad at sinabi nitong maging siya ay naka-home quarantine narin.
Nilinaw din nito na hindi work-related ang nangyari at nagkataon lamang na bumisita s’ya sa bahay ng isa sa mga sinasabing mangingisda.
Una na kasing sinabi ni Kapitan Umpad na dapat ay mag home-quarantine din ito upang maiwasan ang anumang panganib.
“Nakasalamuha n’ya kaya dapat mag-volunteer din s’ya dahil nakausap n’ya ang mga ito kaya dapat maging warrant san aba dahil hindi biro ito,” panawagan at apila ni Umpad.
Sa panig naman ng Philippine Coast Guard, napag-alaman na plano nilang sampahan ang mga mangingisda matapos lumabag sa mga ipinatutupad na protocol sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.