City News

3 magkapatid, hinuli dahil sa paglabag sa Liquor Ban

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 11, 2020

Tatlong magkapatid ang dinakip ng mga otoridad dahil sa paglabag sa umiiral na Liquor Ban sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa Facebook post ng tagapagsalita ng City Government na si G. Richard Ligad noong Mayo 9, binanggit niyang hinuli ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang nasabing mga indibidwal dahil nag-iinuman umano sa loob ng West Palm Subdivision sa loob ng isang bahay na kanilang ginagawa.

Ayon pa kay CIO Ligad, unang sinita ng guwardiya ang nasabing mga kalalakihan ngunit sila pa umano ang nagalit at nilabasan ng kutsilyo ang guwardiya.

“Sinita sila ng guard, aba! Nilabasan pa ng kutsilyo ang guard. Sige! Himas muna kayo ng rehas sa Puerto Princesa,” ani Ligad at sinabing ang tatapang umano ng naturang mga indibidwal na napag-alamang mula sa Tawi-tawi. Makikita rin sa post ni Ligad ang tatlong boteng Emperador at ang dalawang kutsilyo na mula umano sa mga kalalakihang nag-inuman ng mga sandaling iyon na dinampot ng pulisya at dinala sa presento na pareho pang walang damit na pang-itaas.

Matatandaang kasabay ng paglaganap ng nakahahawang sakit na dulot ng COVID-19 ay ipinatupad sa buong bansa, kabilang na sa lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan, ang pagbabawal pansamantala ng pag-inom ng alak upang maiwasan ang pagkumpol-kumpol ng mga tao at maipatupad ang social distancing.

Sa lungsod, Abril 3 nang ibaba ng Pamahalaang Panlungsod ang isang Advisory na nagsasaad ng pansamantalang pagbabawal ng pag-inom, pagbebenta at pag-deliver ng alak at hanggang ngayong umiiral ang General Community Quarantine. Papatawan ng kaparusahan ang sinumang lalabag na nasa husto ng gulang habang kung ang lumabag ay isang business entity ay maaaring mabawian sila ng business permit at license to operate at ipasasara rin ang kanilang establisyimento habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ang exemption naman ay kung may selebrasyon ng araw ng kapanganakan o anibersaryo, ngunit kailangang nasa loob sila ng tahanan at hindi nakabubulahaw ng kanilang mga kapitbahay, kailangang ang mga iinom ay nasa hustong gulang at moderate lamang, naka-physical distancing, at gumagamit ng sariling baso ngunit mula alas siyete ng gabi hanggang alas diyes ng gabi lamang.