Nagsimula nung araw ng Biyernes ang 3rd wave ng pamamahagi ng tig-sasampung kilong bigas bilang tulong sa pagbibigay tugon sa pangangailangan ng bawat sambahayan sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa panayam ng Palawan Daily News (PDN) kay City Information Officer (CIO) Richard Ligad, sisikapin aniya nilang matapos ang pamamahagi sa araw ng Linggo, May 24.
“Sa lahat ng pamilya dito sa lungsod tig-sasampung kilo. Ang target natin matapos ‘yan hanggang linggo. Hopefully matapos lahat. Malaking tulong talaga,” ani Ligad.
Aniya, mas marami pa ang mababahagian ng naturang ayuda ngayong ikatlong pagkakaton dahil sa mga pamilyang dumating na sa lungsod mula sa mga lugar kung saan sila ay na-istranded.
Ayon kay Ligad dapat lang ihanda ng publiko ang kanilang stub para sa pag-iikot ng mga maghahatid ng ayuda.
“Ibibigay naman ‘yong stub sa mga barangay a day before para hindi gumulo,” ani Ligad.
Ang ayudang bigas ay inisyatibo ng pamahalaang panlungsod, sang-ayon sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan nito sa gitna ng dinaranas na krisis dulot ng COVID-19 pandemic.