Nagsagawa ng school outreach activity ang Tactical Operations Wing West (TOW WEST), isa sa mga unit ng Philippine Airforce (PAF), sa isang barangay high school sa Lungsod ng Puerto Princesa kahapon bilang isa sa kanilang mga paunang programa sa pagdiriwang ng ika-48 anibersaryo sa 2021.
Sa temang “Edukasyon Pahalagahan, Pandemya Labanan,” umabot sa 749 na mag-aaral ng Irawan National High School sa Brgy. Irawan ang nakinabang sa kanilang programa. Katuwang ng grupo ang Kiwanis Club Last Frontier, Kiwanis Club Division 4e, ABAB Officers at ang enlisted personnel ladies club, at ang Ancient Dynasty Kitchen.
Namahagi sila ng 45 pirasong faceshields, 10 kahon ng face masks, tatlong galon ng alchohol, apat na galon ng Zonrox, apat na bote ng handwashing gel, 65 pirasong water tumbler, limang ream ng bondpaper, 30 na notebook, 30 pirasong bolpen, 65 pirasong brown envelope, anim na pakete ng detergent powder at mga pintura na may kasamang paint brush.
Maliban naman sa pamimigay ng mga donasyon, naglinis, nagpintura, at nag-trim ng mga puno ang grupo sa nasabing paaralan.