Inatasan umano ng Department of Health ang mga Local Government Units (LGUs) na gamitin na ang halos nasa 90% na mga bakunang ibinahagi sa kanila ng National Government.
“Good for 700 katao, both na ‘yun Astra and Sinovac. Kasi binibigyan kami ng DOH na within today (March 23) ‘yun ang sabi ni Director ay ma-consume na namin at least ‘yung 90% na pinadala,” pahayag ni Dr. Ricardo Panganiban, City Health Officer at Chairman ng PPC-COVAC.
Sa isinasagawang COVID-19 Vaccination roll-out ngayong araw sa Puerto Princesa City Coliseum ay ibibigay umano ang mga bakuna bilang ‘first dose’ at hihintayin na lamang ang darating na bakuna para sa ‘2nd dose’.
“First dose lang lahat, pinapaubos na po lahat ng first dose sa Astra. Kasi malayo naman difference, 8 weeks, I guess sigurado sila (ang DOH) mabibigyan [pa rin ng 2nd dose ang mga mababakunahan]. ‘Yung vaccine sigurado may darating hindi lang sigurado kung kailan at ilan,”
Samantala ibinahagi naman ni Dr. Panganiban ang mga posibleng mabakunahan ngayong araw na karamihan ay mga health workers.
“Lahat ng mga frontline workers na natin, kasi sa City Health natin halos tapos na, IMT natin halos tapos na, mga ospital natin nagbabalik na nga sila ng ibang bakuna. ‘Yung unang mga sinabi ng DOH na bibigyan ay mostly nabigyan na tapos ‘yung mga nasa private clinic nabigyan na rin ‘yung iba, ‘yung iba ngayon [bibigyan] ‘yung mga dentist nandito na rin nakapila, medical team ng BuCor (Bureau of Corrections), Medical team ng DepEd (Department of Education),”
Ayon naman sa isang Barangay Kagawad na hindi nagpabanggit ng pangalan na kabilang din sa nais magpabakuna pero nakadepende kung pahihintulutan siya dahil sa marami siyang iniindang karamdaman.
“Oo ok [naman magpabakuna], kaya lang baka maraming epekto kasi may sakit sa puso, osteoporosis, mataas ang uric tapos manhid mga paa ko,”