Photo by Lester Hangad

City News

Backride Palawan at mga tricycle operators, nagharap sa Sangguniang Panlungsod

By Lexter Hangad

February 04, 2021

Nagharap ang mga Tricycle Operators at Backride Palawan sa isinagawang pagpupulong ng Committee on Transportation ng Sangguniang Panlungsod Huwebes, Pebrero 4, 2021. Ito ay matapos na magpadala ng liham ang samahan ng mga TODA sa lungsod kay Konsehal Jimbo Maristela, Chairman of the Committee on Transportation, upang bigyan aksyon at dinggin ang kanilang mga saloobin dahil nasasagasaan umano ang kanilang hanapbuhay ng Backride Palawan.

Ayon kay Gabriel Bonete presidente ng San Manuel TODA nais lamang nila na maging patas ang paghahanap-buhay sapagkat sila umano ay sumusunod sa batas.

“Nauunawaan ko naman talaga ang backriding, actually sa sulat ko talaga is maging patas, yan naman talaga pinakapunto ko doon, kasi may batas tayo. Dahil kami nagbabayad, tulad ngayon renew-han lahat kami mga tricycle driver operator nagkanda-ugaga kami para i-present kung ano ba yung mga requirements para i-renew ang aming mga tricycle.”

Dagdag pa ni Bonete hindi naman umano sila tutol sa grupo [Backride Palawan]. Ang hiling lamang nila ay maging legal ang lahat dahil sila umano ay naaapektuhan dahil naaagawan sila ng pasahero ng mga ito.

“Then oo yung mga backride mga empleyado din yan, dagdag-trabaho para sa ating siyudad ay nakakatulong. Pero, ang tanong kasi is yung legality? Nasasagasaan kaming mga tricycle driver at operator. Kung tutuusin sa sitwasyon namin halos limitado ang aming tinatakbuhan at nakukuhaan ng pasahero at nagtitiyaga nalang kami sa mga kanto.”

Aminado naman ang founder ng Backride Palawan na si Vergel Dela Fuerta na may mali sa ginawa nila pero ang layunin lang umano ng kanilang grupo ay para makatulong lalo na umano dahil pandemya ay maraming nawalan ng trabaho.

“Ang main focus po talaga namin is yung kasalukuyang pandemic po ngayon. Kung mapapansin niyo rin po marami pong tao na nawalan ng trabaho especially po sa tourism. So kami po, gumawa din ng way para makatulong tayo po sa community po.”

Dagdag pa ni Dela Fuerta na base umano sa kanilang isinagawang survey sa pamamagitan ng social media ay umani umano sila ng mga papuri dahil sa naging panatag umano ang mga tumatangkilik sa kanila.

“Kasi kung makikita niyo po, kalat naman na po sa social media sa mga feedbacks po natin na mas naging panatag po yung mga pasahero natin kahit na madaling araw po. Kasi po siyempre yung atin pong mga butihin driver ay mga nanay at tatay po yan ng isang pamilya bale natulungan po natin sila na makapagdala ng pagkain sa kanilang bahay at the same time po yung mga passenger natin mas naging safe po yung pakiramdam nila.”

Samantala maituturing umano na colorum ang Backrider Palawan kung ito ay may angkas. Dahil wala umano itong kaukulang prangkisa at pahintulot para magsakay ng pasahero. Dahil dito, maaari itong pagmultahin ng hindi bababa sa P6,000.00 base narin sa RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Pinayuhan naman ni Konsehal Maristela ang pamunuan ng Backride Palawan na pansamantala muna nitong itigil ang operasyon sa pagsakay ng pasahero at sundin kung ano umano ang nakasaad sa kanilang permit na “Goods only.”