Armando Palanca Golifardo Jr. Regional Project Officer DILG-MIMAROPA. Photo from Armando Palanca Golifardo Jr. Facebook

City News

Balangayan Federalism Activity, gagawin sa Lungsod sa Nobyembre

By Mike Escote

October 23, 2019

Nakatakdang magsagawa ng malawakang information dissemination tungkol sa pederalismo ang Regional Management Office  ng Department of the Interior and Local Government at uunahin  dito sa Puerto Princesa sa November 5-6, 2019.

Ayon kay Armando Golifardo Jr, Regional Project Officer ng DILG Mimaropa, may mga expertong magpapaliwanag  tungkol sa  pederalismo tulad ni Atty Lawrence Wacnang,  isa sa miyembro ng consultative committee na inatasan na pag-aralan ang 1987 constition at si Sec Gary Olivar kaya darating rin ang ilang matataas na opisyal ng DILG sa bansa.

Sinabi niya rin na sa nakatakdang gawain nais rin linawin  ng DILG ang usaping mawawala na ang mga lokal na pamahalaan at papalitan ng regional governments.

“ Marami  ang agam-agam simula nang lumabas ang Bayanihan Federalism Draft   noong 2017 na mawawala na ang mga local governments at regional governments na lamang po, hindi po totoo yun at yun po ang gusting liwanagin ng ating mga experto at mga miyembro ng consultative committee sa mangyayaring town hall meeting sa November 5,” giit pa ni Golifardo.

Maliban dito ay magkakaroon rin ng tinatawag na speakers’ bureau training para sa mga nais tumulong sa pagbibigay impormasyon tungkol sa pederalismo at Constitution Reform o  Core talk para sa mga Kabataan.

Kaugnay nito ay nagkaroon ngayong araw, October 22, ng isang inter-agency meeting kasama ang ilang opisyal ng City Hall, Puerto Princesa City Police Office at iba pang ahensiya kung saan napag-usapan ang mga magaganap na aktibidades.

Sa pulong binanggit ni Golifardo ang apat na mahahalagang bagay na maaari ring talakayin sa gawaing magaganap sa susunod na buwan partikular na ang magagandang maidudulot ng pederalismo.

Kabilang dito ay ang pagpapayaman sa mga probinsiya at mapaluwag ang Metro Manila, pagtanggal sa mga political dynasty, malayang pagnenegosyo at ang pagkakaroon ng bagong konstitusyon para sa bagong henerasyon dahil panahon na umano para baguhin ang makalumang konstitusyon

Hinihikayat naman ni Golifardo ang mga mamamayan ng Puerto Princesa City at Lalawigan ng Palawan sa magaganap na Balangayan Federalism Activity para makinig at malaman kung ano talaga ang mensahe ng pederalismo at kung ano ang magiging silbi nito sa pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino.