City News

Balonglong: Bawal ang angkas sa motorsiklo

By Chris Barrientos

May 09, 2020

Nilinaw ni Police Colonel Marion Balonglong, ang City Director ng Puerto Princesa City Police Office na sumusunod sila sa kautusan ng Department of Transportation kaugnay sa pagbabawal sa pag-angkas sa mga motorsiklo dito sa lungsod habang umiiral ang general community quarantine.

Kasunod ito ng mga puna ng taong bayan sa kapulisan sa lungsod na nagmamandu sa mga checkpoint kung saan sinasabing tila magkakaiba ang ipinatutupad kaugnay sa pag-angkas sa mga motorsiklo.

Sa panayam ng Palawan Daily News kay Balonglong, sinabi ni Balonglong na talagang bawal ang angkas sa motorsiklo ngayon sa lungsod pero may ilang exemptions anya silang ibinibigay.

Ayon sa opisyal, ang mga frontliner na ihahatid o susunduin ng kanilang mga kamag-anak o asawa sa trabaho sa pamamagitan ng pag-angkas sa motorsiklo ay kanila nang pinapayagan lalo na kung nasa alanganing oras na at walang masasakyan.

“Kami papayagan namin ‘yung angkas kung… may exemptions kasi ‘yan. Unang-una is magbi-based tayo dun sa ipinapairal natin na social distancing. Dapat talaga wala, dahil nagkaka-dikit ‘yung magka-angkas sa single na motorsiklo. Pero kapag halimbawa, ‘yung inihahatid ay ‘yung mga frontliners na inihahatid at sinusundo ng mga asawa nila, s’yempre i-exempted natin ‘yun,” ani Col. Balonglong sa panayam ng Palawan Daily News.

Pero sa mga magka-angkas na mamimili lang o may ibang pupuntahan lalo na sa mga oras na mayroon naman nang bumibiyaheng mga tricycle at multicab, sinabi ni Col. Balonglong na hindi nila ito pinapayagan.

“Kung pwede wala talaga ‘yan kahit magkamag-anak sila. Wala talaga dapat ‘yan dahil ang pagsunod naman sa social distancing is for the benefit of each and every one of us. Dapat sumunod tayo dahil kami naman po ay taga-implement lang ng batas,” giit ng opisyal.

“Para sa trabaho lang ito ng frontliners at hidi sa pang personal na lakad. If possible, wag na natin pang ipagpilitan ang mga bawal dahil para rin sa kaligtasan ng mga kababayan natin at ng mga motorist ‘yung ginagawa naming,” dagdag ni Balonglong.