photo from Google Map

City News

Barangay COVID-19 Operations Centers sa Puerto Princesa, operational na

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 18, 2021

Kinumpirma ng Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Lungsod ng Puerto Princesa na nagsimula na ngayong linggo ang operasyon ng mga Barangay COVID-19 Operations Center sa mga barangay na may matataas na kaso ng COVID-19.

“This week po, nag-start na ‘yan at inaasahan din po namin na ‘yong 12 [barangays] na ‘yan, dapat operational na,” ayon sa ABC Federation President at kasalukuyang nakaupong Ex-officio member sa Sangguniang Panlungsod na si Kapt. Francisco Gabuco.

Pinatotohanan ni Gabuco ang pagiging epektibo ng pagkakaroon ng Barangay COVID-19 Operations Center dahil nagawa na umano nila ito sa kanilang barangay.

“Ang San Pedro po, besides diyan, nauna na po kami, nakailang buwan na kami [na nagpapatupad ng gaya nito]. Ako nga, nagpadala pa ng BDRRM pati sa Bacungan at sa sinumang tumatawag na kapitan [sa amin],” aniya.

Ayon sa opisyal, target ng City Government na magkaroon ng Barangay COVID-19 Operations Center hindi lamang sa 12 malalaking barangay na may matataas na COVID-19 cases kundi sa lahat ng barangay. Sumasailalim aniya sa mga pasasanay ang mga bumubuo ng decontamination team at contact tracer at iba pang kasama sa aniya’y matatawag na “mini-IMT sa barangay.”

“Parang OPD, Outpatient Department po ito ng siyudad. Halimbawa, may kababayan tayong masama ang pakiramdam, may symptoms ng COVID. Usually, [kapag gano’n], ang punta po natin ay sa mga clinic o sa mga hospital. So, ‘pag pumunta ka po ngayon sa clinic o hospital ay kailangan mong magpa-antigen muna. So, ginawa po ito para ‘yong mga kababayan nating medyo kulang sa panggastos [ay ating matulungan], sila po ay tatawag [lang] sa  barangay,” pahayag pa ng Konsehal at idinagdag na libre lamang ang antigen testing sa nasabing mga pasyente.

Aniya, mula sa mga tumawag na indibidwal na may nararamdamang mga sintomas ng COVID-19, ang barangay naman ang magsusumite ng kanilang mga pangalan sa OPD ng siyudad sa Skylight upang sila ay mai-schedule na maisailalim sa antigen test.  Ang barangay din aniya ang maghahatid sa kanila roon at pabalik sa kanilang tahanan kung magnenegatibo.

Sa kanilang barangay umano sa San Pedro na pormal na rin itong binuksan ay marami na ring natanggap na referral.

Sa katunayan umano ay may isang pagkakataon pa na kahit ang Brgy. Tiniguiban ay tumawag din sa kanila. Nangyari umano iyon nang may isang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 sa limang naninirahan sa isang bahay. Sa kabutihang-palad ay nakuha na rin nila ito kamakalawa.

Sa ngayon ay mayroong dedicated COVID-19 Hotline ang bawat barangay at may nakatalagang tao na sasagot sa lahat ng tawag o text, 24 oras, magre-record at magre-report nito sa IMT o sa mga contact tracer.

“Actually, mas maganda ‘yong situation kasi kung barangay ‘yong lumakad, mas mabilis,” giit niya.

Aniya, kapag tumawag ay sabihin lamang kung ano ang kanilang nararamdaman. Matapos ito ay pupuntahan sila ng barangay upang mailista para sa schedule, ihahatid sa OPD at ibabalik sa bahay at imo-monitor.

“Kasi, dati-rati, dumarating sa amin, hindi namin alam, bigla [na lang] pinapadala kapag may problema na. So, ngayon, napag-isipan na ito ‘yong solusyon kasi ginagawa na namin sa barangay,” ani Gabuco.

Dagdag pa niya, mainam na magtulong-tulong sa ngayon ang lahat sapagkat hirap na rin aniya ang IMT dahil sa kakulangan sa tao na matatandaang matagal na rin nilang iniinda.

TULONG UPANG MAIWASAN NA ANG PAGYAO NG IBANG PASYENTE

“Basta tulungan lang. Hindi lang po ‘yong sa City Government, kami rin po sa barangay, ay ginagawa rin namin ‘yong part namin. Basta ang pinaka-importante, ma-inform lang kami, maitawag sa hotline, kami na ‘yong gagawa ng paraan para ma-monitor ‘yong ating mga kababayan na kailangang i-monitor,” aniya.

Ani Konsehal Gabuco, mahirap na huli na nilang makuha minsan ang impormasyon kung saan nasa dalawa o tatlong araw na o higit pa ang nakalilipas bago makarating sa kanila ang kalagayan ng isang pasyente. Minsan ay nagiging dahilan ito ng kanilang kamatayan dahil hindi na naaagapan pa.

Noong June 16 ay napag-alaman umano niyang may dalawa pang barangay na wala pang  Barangay COVID-19 Operations Center na agad din umano niyang pinayuhan na hindi pwedeng wala sapagkat kailangan nila iyon.

Kamakailan naman ay kasama sa mga inanunsiyo  ng pinuno ng IMT ang unang 10-12 barangay na may matataas na kaso ay mainam na magkaroon ng referrals at konsultasyon tuwing mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes. Ito ay para sa mga residenteng kakikitaan ng sintomas ng COVID-19 mula sa nabanggit na mga barangay.

Ani IMT Commander at kasalukuyang Assistant City Health Officer, Dr. Dean Palanca, tinitingnan nila ang Barangay COVID-19 Operations Center na makatutulong ng malaki upang maiwasan na ang mortality dahil sa hindi agad naipapagamot ang isang pasyenteng tinamaan pala ng COVID-19. Sa ngayon, makikita sa datos na padagdag ng padagdag ang bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa nakamamatay na sakit.

“Kapag magkasakit, may ubo o may sipon, kung pwede ay magpa-test kaagad para maagapan. Hindi naghihingalo na ay bago pa hihingi ng tulong,” mungkahi niya.

Dagdag pa niya, ilan sa nasabing mga indibidwal na dead-on-arrival sa ospital ay nagkasakit na sa kanilang tahanan habang ang iba ay sa ER na binabawian ng buhay.

Kaya payo niya, lalo na sa mga may edad na na nakararanas ng sipon o ubo ay agad na magpakonsulta sa doktor, lalo na at mahirap nang matulungang maisalba ang buhay kapag severe na o kritikal na ang kalagayan ng pasyente.

Sa kanilang observation umano sa ngayon, karamihan sa mga barangay ay hindi alam ang gagawin kapag may nakararanas ng sintomas ng COVID-19. Minsan pa umano ay nagdadalawang-isip na magpakonsulta ang isang pasyente dahil sa nasa mahigit P1000 ang antigen testing kaya ang iba ay ayaw nang magpa-check-up.

“Marami pa riyan na dead on arrival bago dumating at ang iba ay mamamatay na lang sa bahay dahil hindi makahingi ng tulong. So, ito po ‘yong isang way na ita-try po namin with the IMT na thru the Barangay COVID Operations Center na magkaroon ng mga referral para po makonsulta itong mga COVID suspects,” ani Dr. Palanca.