City News

Brgy. Treasurer ng Santa Monica, itinakbo umano ang perang pampasweldo

By Jane Jauhali

December 20, 2022

Kinumpirma ni Punong Barangay Ronaldo “Mong” Sayang ng Sta.Monica sa Palawan Daily ang pagtakbo ni Barangay Treasurer Venus Decena sa salapi ng barangay na laan para sa insentibo at suweldo ng mga empleyado ng barangay.

 

Umaabot sa P1.1 milyon ang itinakbo ng kasalukuyang nagtatagong ingat-yaman.

 

Sa panayam, sinabi ni PB Sayang, “actually legal transaction ng barangay yaon na para sa mga payables, suweldo at mga incentives ng mga empleyado. Kung hindi ako nagkakamali bagama’t hindi ko hawak ang figure, yun ay amounting sa P1.1 milyon something pero yung 600,000 doon ay narekober naman ng SK kasi sa SK yun by check.”

 

Sinabi pa ni PB Sayan, kung matatandaan taong 2020 ay mayroon din kinasangkutan ang kanyang Brgy. Treasurer ng pamemeke ng pirma para sa isang liquadation report patungkol sa ayuda na binigay sa mga kababayan na apektado noon ng pandemya, at agad siyang nagsagawa ng imbestigasyon dito tinanong niya ang kanilang ingat-yaman o treasurer kaugnay sa kinasangkutan ngunit pinabulaanan nito sa kanya ang bintang hanggang sa nitong mga nagdaang linggo lumabas na ang balita na nag-plea ng guilty ang treasurer.

 

Ayon pa kay PB Sayang ang huling pasok sa barangay ng treasurer ay noon pang December 2, at kanya itong pinapapasok noong December 5 dahil may ipapagawa siya sa barangay nguni’t hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi na ito nagpapakita o pumapasok.

 

Dagdag pa ni Kapitan Sayang, agad nilang pinalitan ang Brgy. Treasurer upang hindi maantala ang mga transaksyon ng kanyang pamunuan at sa kanilang katatapos lang na sesyon, mayroon ng ginawang hakbang ang konseho. Una ang hindi pagreport ng treasurer ay nangangahulugan ng abandonment of post dahil hindi na ito pumasok, pangalawa ang pagtanggal sa kanya o termination, at pangatlo ang pagsasampa ng kaso ng bawat empleyado ng barangay.

 

Ayon kay Punong Barangay Sayang, “hinihikayat natin ang mga empleyado ng Barangay Santa Monica na magfile ng kaso, at puwede rin mag file ang barangay mismo unless na maprove natin na merong mga pera pa tayo na hawak na pondo kasama ang pangpa suweldo.”

 

Binigyang diin pa ni PB Sayang na mayroon na silang mga nakalap na mga ebidensya at lumapit na sila sa PNP bukod pa sa mga legal personalities para sa tamang kasong isasampa laban kay Decena.

 

Nag-react naman si Konsehal Elgin Damas sa pamamagitan ng pag-post na,

“Inamin ng Barangay Treasurer ng Brgy. Sta. Monica na pamemeke niya ang pirma ni Kagawad Edward Masbate sa isang liquidation report patungkol sa ayuda na binigay sa ating mga kababayan na apektado noon ng pandemya.

 

“Noong Una, deni-deny ng treasurer na pineke nila ang pirma. Kaya lamang, may lumabas na report ang NBI na nagpapatunay na talagang pineke ang pirma ni Kagawad Masbate.

 

“Sa huli, nag-plead ng guilty o inamin ni Treasurer Venus Decena na siya ang nagpeke sa pirma ni Masbate sa liquidation report na pinasa sa City Government.

 

“Dahil dito hinatulan ng Korte si Ms. Decena na makulong ng anim na buwan hanggang apat na taon.

 

“Siya ay pinayagan ng Korte na manatiling malaya while pending ang kanyang application for probation.

 

“Ngayong napatunayang guilty si Ms. Decena sa pamemeke ng pirma, marapat siguro na palitan na siya bilang treasurer ng Brgy. Sta. Monica.

 

“Pero nakakaawa din, dahil hindi rin naman siguro niya magagawang mameke ng pirma kung walang nag-utos sa kanya. Hindi kaya?

 

“FYI, parehong kinasuhan si Treasurer Decena at PB Sayang ng Sta. Monica sa City Prosecutors Office, pero si Decena lang ang pinakasuhan ng piskalya.”