Batang otter, isinauli sa PCSDS

City News

Batang otter, isinauli sa PCSDS

By Diana Ross Medrina Cetenta

November 04, 2020

Isang juvenile Asian Small-clawed Otter (𝘈𝘰𝘯𝘺𝘹 𝘤𝘪𝘯𝘦𝘳𝘦𝘶𝘴) ang isinauli ng isang mamamayan sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) kamakailan lang. Ang nasabing hayop na kilala sa lokal na tawag na “Dungon” ay nakuha noong Nobyembre 2, 2020 ng PCSDS matapos ma-rescue ni Melvar Amasola, isang residente ng Brgy. Sicsican, Puerto Princesa City.

Naksaad sa Facebook post ng PCSDS ngayong araw na ayon kay Amasola, nakita ng kamag-anak niyang si Elena Mercado ang naturang hayop bandang 6 am noong Nobyembre 1, 2020 nang kaniyang tingnan kung bakit nag-iingay ang mga alaga nilang manok. Kinuha aniya ito ng kanyang kamag-anak at siya naman ang nag-report nito sa kinauukulan.

Matapos na mai-turnover sa PCSDS, dakong 10:57am sa nabanggit na petsa ay ibinalik sa natural nitong tahanan ang Dungon.

Ang nailigtas na Juvenile Asian Small-clawed Otter ay may habang 25 sentimetro at bigat na tinatayang kalahating kilo. Sa ngayon, matatawag na “endangered species” ang nasabing buhay-ilang sa ilalim ng PCSD Resolution No. 15-521.

Sa muli ay nanawagan ang pamunuan ng PCSDS sa mga mamamayan na agad na ipagbigay-alam sa kanila kung may makitang buhay-ilang gamit ang hotline numbers na 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT). Maari ring magpadala ng mensahe sa kanilang Facebook page.