City News

Batang sangkot sa viral video nang panlalaban sa gwardiya, nasa CSWD na

By Kia Johanna Lamo

October 05, 2018

Nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development (CSWD) ang isa sa mga batang nag-viral sa social media kamakailan dahil sa panghihimasok ng isang convenience store at panlalaban sa isang security guard.

Ayon kay Rolando Sta. Maria, social welfare assistant, subject for rehabilitation na ang bata kung saan ay sumasailalim ito sa iba-ibang aktibidad para sa kanyang rehabilitation katulad ng pag-aaral sa Alternative Learning System (ALS) at marami pang iba.

“Isa sa apat na nakunan ng video na nag-viral ay nasa amin. Hindi kasi nakilala yung tatlo. Yung isa nasa center sya for temporary shelter, may mga activity ngayon para sa bata na ginawa para sa kanyang rehabilitation,” pahayag ni Sta. Maria.

Samantalang, ang mga kasama nito ay hindi pa natutukoy kung kaya ay nakikipag-ugnayan ang ahensya sa barangay unit ng San Miguel upang hanapin ang tatlo na di umano’y naninirahan sa nasabing barangay.

“Nakipag-ugnayan na kami sa Bgy. San Miguel, allegedly dun nakatira yung tatlo at yun ang pina-follow up natin sa ngayon,” saad niya.

Dagdag pa ni Sta. Maria, ang batang nasa kustodiya nila dati ay nahawakan na rin ng kanilang ahensya dati upang i-rehabilitate at bigyan ng temporary shelter dahil sa isa ito sa biktima ng paghithit ng solvent ngunit binawi ng magulang at ngayon nasangkot na naman sa panibagong insidente.

Nangako naman ang CSWD na patuloy nilang bibigyan ng alaga at serbisyo ang batang nasa kustodiya nila.