Kasong kriminal at administratibo ang isinampa ng grupo ng ilang mga mamamayan ng Palawan sa Office of the Ombudsman laban kina incumbent Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron at sa anak niyang si Judith Bayron na siyang Balayong Festival 2021 Executive Committee Chairman noon, IMT Commander Dean Palanca at Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham “Baham” Mitra.
Para sa mga complainant, ang Balayong Fun Ride activity noong Marso 7 na sinabayan ng pagpapailaw ng Acacia Tunnel ang naging daan sa mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa lungsod matapos itong daluhan ng mahigit isang libong mga bikers at dinumog ng daan- daang mga manonood buhat sa lungsod at mga karatig-bayan.
Kinuwestyon ng mga complainant ang pagsasagawa ng City Government ng nasabing aktibidad sa kabila ng katatapos lamang na ipinatupad ang Resolution No. 26 ng Puerto Princesa City Inter-agency Task Force Against (IATF) noong Marso 6 na nagsasailalim sa ilang kritikal na lugar sa ECQ at MECQ naman sa mga karatig na lugar.
Iginiit ng concerned residents of Palawan na dapat pagpanagutin ang mga opisyal dahil ilang araw matapos ang aktibidad ay sumipa na ang COVID-19 cases hanggang sa isailalim sa mas mataas na quarantine status ang lungsod. Maliban pa rito, imposible umanong hindi iugnay ang Acacia Tunnel Lighting Activity sa pagtaas din ng kaso ng COVID-19 sa mga munisipyo sa Lalawigan ng Palawan.
Partikular na isinampa sa mga opisyales ang kasong grave misconduct, at gross neglect of duty, ang paglabag sa RA 11469 o ang “Bayanihan to Heal As One Act,” RA 11332 o ang “Law on Reporting of Communicable Diseases,” at Open Disobedience na nakasaad sa Article 231 ng Revised Penal Code.
Paliwanag nila, sangkot sa kaso ang mas batang Bayron dahil sa siya ang Chairman
ng Puerto Princesa City Balayong Festival 2021 Executive Committee at ipinagpatuloy ito sa kabila ng pataas na noon nh COVID-19 cases sa siyudad, si Dr. Palanca naman ay nasama sa mga kinasuhan dahil inendorso niya ang naturang event para isagawa noong Marso 7 na naging daan umano ng overcrowding at pagkawala na ng social distancing.
Si GAB Chairman Mitra naman ay nadawit sa kaso dahil sa paglabag umano niya sa minimum health protocol dahil sa hindi niya pagsusuot ng facemask sa ilang engagement sa kabila ng kanyang travel history sa labas ng Palawan at kalaunan ay nagpositibo siya sa COVID-19 na inanunsiyo ng kanyang kapatid noong March 16. Ngunit bago magpositibo, nakadalo pa umano si Mitra sa ilang pagtitipon sa iba pang barangay sa Puerto Princesa at sa ilang event sa El Nido habang ang mga close contact naman niya ay nakadalo rin sa ilang mass gatherings sa lungsod, sa Taytay at El Nido.
Dahil sa mga naganap, malinaw umanong isinantabi ng City Government ang public health and safety ngayong pandemya kaya inaasahan ng mga complainant ang pagkamit ng hustisya para rito.
Samantala, nang kunan naman ng panig ng PDN ang Pamahalaang Panlungsod, tinuran ni City Administrator Arnel Pedrosa na hanggang sa ngayon ay wala pang pormal na natatanggap na kopya ng kaso ang Alkalde ngunit nakahanda naman umano siyang sagutin ang lahat ng alegasyon.
“The Mayor will formally answer the charges once he officially received the copy of the complaint,” ayon kay Pedrosa sa pamamagitan ng text message.
5:57
PRRD, pinalawig ang MECQ sa Puerto Princesa hanggang June 30
Matapos i-anunsiyo ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa ang pagnanais na ibaba na sa GCQ ang quarantine classification ng Puerto Princesa mula June 16-30, kahapon din ng gabi ay inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extension ng MECQ status ng siyudad sa kanyang “Talk to the Nation on COVID-19.”
Sa annoucement ng Pangulo, ang MECQ extension ay simula June 16 hanggang June 30 na kasabay naman sa kahilingan ng LGU-PPC sa pag-downgrade ng risk classification nito matapos ang June 15.
Kahapon ay unang tinuran ni City Administrator Arnel Pedrosa na ipadadala nila ang liham sa regional at national IATF kaugnay ng kahilingang ibalik sa GCQ sa siyudad, kasabay din ng travel ban extension.
Sa live conference naman ng City Government kagabi, ipinaliwanag ni City Legal Officer at local IATF Spokesperson Norman Yap na ang pagnanais nilang maibalik sa mas mababang community quarantine ay upang makapahinga ang mga mamamayan mula sa tinatawag na “quarantine fatigue.”