City News

Bayron: Mas mag-ingat at sumunod sa ECQ

By Chris Barrientos

April 26, 2020

“Wake Up Call” sa mga taga lungsod ng Puerto Princesa ang balitang may isang pasyente ang nagpositibo sa COVID-19 at nasawi nitong Martes, April 21 sa Ospital ng Palawan.

Ito ang sinabi ni Mayor Lucilo Bayron sa kanyang mensahe sa mga taga lungsod ngayong Linggo, April 26 sa pamamagitan ng City Information Department Facebook page.

Ayon kay Bayron, dahil sa balitang ito ay mas kailangang pag-ibayuhin ang pag-iingat at ipagpatuloy ang pagsunod sa mga ipinatutupad sa ilalim ng enhanced community quarantine.

“Ito ay isang wake up call para sa ating lahat. Wake up call dahil hindi talaga biro ang kalaban na ito. Hinihingi ko ang inyong kooperasyon na sana kusa lahat ito sa atin na sa mga bahay lang muna tayo, ‘wag na muna tayo lumabas maliban sa kung kailangang-kailangang dahilan,” ani Bayron sa kanyang mensahe sa bayan.

Nakatakdang rin anyang maglabas ang pamahalaang panlungsod ngayong araw ang ilang kautusan na nagsasaad ng mga dapat sundin matapos mag positibo sa COVID-19 test ang isang senior citizen na taga rito sa lungsod at isinasapinal na ito ni City Administrator Arnel Pedrosa.

“Dahil sa pangyayaring positive na COVID patient dito sa lungsod ng Puerto Princesa ay nag-utos tayo, nagbigay tayo ng memorandum na ngayon ay inihahanda na ng ating City Administrators Office na addressed sa mga barangay officials na paigtingin ‘yung pag-implement ng home quarantine at paigtingin ‘yung pagsuot ng mga face mask ng mga kababayan na lumalabas sa kani-kanilang mga bahay at paigtingin ‘yung curfew enforcement. Kasama din ‘yung memorandum sa ating kapulisan na higpitan ‘yung mga gumagala na walang sapat na quarantine pass,” dagdag ng alkalde.

Inirekomenda rin anya ng incident management team ng lungsod sa pangunguna ng city health na ideklara  ang Barangay Tanabag sa ilalim ng extreme community quarantine o tinatawag na lockdown na kaninang madaling araw palang ay ipinatupad na ng kapulisan doon.

Napag-alaman din na may mga kamag-anak si Palawan PUI Number 169 mula Barangay Concepcion na pumunta sa lamay nito.

“Kapag mayroong pumanaw na COVID patient ay ipinagbabawal ang paglalamay nang sa ganun ay ma-contain natin ‘yung problema ng COVID dito sa Puerto Princesa,” lahad ng opisyal.

Samantala, inanunsyo din ng alkalde na naka-quarantine na ngayon ang dalawang team ng city government na namahagi ng mga bigas at manok sa Barangay Tanabag at Barangay Concepcion.

“Gusto ko din ipaalam sa inyo na ‘yung mga kasamahan namin dito sa mayor’s office na namamahagi ng bigas at manok na na-assign doon sa Tanabag at na-assign doon sa Barangay Concepcion, ‘yung dalawang team na ‘yun ay kasalukuyan ngayong naka-home quarantine,” pahayag ng alkalde.

“Dahil d’yan, dalawang team ‘yan, medyo babagal ‘yung distribution ngayon doon sa Sur at kung maaari o posible na maatraso ng konti ‘yung distribution dito sa bayan dahil pagkatapos ng Sur ay dito nanaman tayo sa bayan,” dagdag ni Bayron.

Umapela din si Bayron sa mga taga lungsod na manatili sa mga bahay kung walang importanteng gagawin dahil hindi anya biro ang ating kalaban.

“Nasa kamay nating lahat ang tagumpay na ito kaya sa inyong lahat, maraming salamat sa inyong kooperasyon na naibigay na ninyo at kailangan lang na dagdagan pa natin ang kusa na pagsunod sa mga patakaran at alituntunin at nang mailayo tayo sa problemang COVID sa mga darating na araw,” pakiusap ni Bayron sa kanyang mga nasasakupan.