Ayon sa pinakabagong ulat mula sa Bureau of Fire Protection, umaabot sa 42 na kabahayan ang tinupok ng sunog sa Purok Maligaya, Barangay Mandaragat lungsod ng Puerto Princesa noong Martes, Enero 31. Apektado rin ang nasa 78 na pamilya o 299 indibidwal.
Batay sa salaysay ng ilan sa mga nasunogan, nagmula sa pagputok ng isang Piso wifi machine ang sanhi ng sunog.
Isang lalaki naman ang nagtamo ng second degree burns na agad dinala sa pagamutan.
Ayon kay kapitan Gerry Abad, nagpaabot na ng tulong ang Pamahalaang Panlungsod, at agad din silang naghanda ng makakain ng mga apektado sa sunog na nasa evacuation center na sa kasalukuyan habang inaayos naman ang listahan ng mga survivors.
“Unang-una siyempre nag-prepare agad tayo ng pagkain na kailangan nila so ‘yun ang inuna natin at inayos natin ‘yung list kung sino talaga ‘yung mga actual na mga fire victims sa area, so mabilis naman ang pagtugon ng City Social Welfare and Development (CSWD), unang pangangailangan na hinihingi natin ay ‘yung kanilang mga damit, pagkain, dapat kahit paano mayroon tayong maibigay sa kanila, ang pamahalaang panlungsod, Mayor Lucilo Bayron kaagad din naman tumugon doon sa pangangailangan na ‘yun at nagpadala agad ng initial na bigas na tulong para dito at ilang canned goods na ibibigay natin lahat doon sa fire victims natin,” ani Abad.
Maliban sa tulong mula sa lokal na pamahalaang panlungsod, marami na ring mga indibidwal ang nagpaabot ng tulong at suporta, ganoon din ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na nagpaabot narin ng tulong sa mga fire victims.
Dagdag pa ni Abad ay nag-alok ang alkalde nang relocation site at isa ang Barangay Mangingisda rito kung nanaisin ng mga fire victims.
“Yung inoffer ni Mayor Bayron na willing mag pa-relocate, ay mabigyan sila ng relocation area na kanilang magiging permanent tirahan na safe sila doon. Sa Barangay Mangingisda ang ini-offer ni Mayor Bayron,” ani Abad.
Nagpaalala naman si Kap Abad sa kanyang mga residente na kung may sakuna tulad ng sunog ay bigyang daan ang mga nagre-rescue upang sa ganun mabilis ang pagtugon.
“Ang panawagan ko sa aking mga barangay partikular maliit po ang aming kalsada paulit ulit po ako nakikiusap na sana kung meron kayong sariling sasakyan hanapan ng tamang maparkingan ng sa ganun ang ating pamatay sunog pamay mga ganitong calamities na mangyayari na hindi narin inaasahan e mabilis po ang pag response hindi tayo magkakaroon ng sagabal ilang minuto lang na hindi maka access ang pamatay sunog malaki na ang mawawala doon sa mga ari-arian ng ating mga kababayan,” ani Abad.