City News

Bilang ng enrollees sa Puerto Princesa, bumaba batay sa inisyal na datos

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 06, 2020

Kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga batang nagpatala noong buong buwan ng Hunyo para sa susunod na pasukan, batay sa inisyal na datos ng DepEd-Puerto Princesa.

Bagama’t pinalawig ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagpapatala sa mga pampublikong paaralan hanggang sa ika-15 ng Hulyo, ngunit sa kaparehas na pagkakataon noong huling enrollment, ilang libo rin ang nabawas sa tala ng siyudad.

Sa datos na ibinahagi ni City DepEd Spokesperson Gina Francisco, ang mga nagpa-enroll nitong Hunyo para sa SY 2020-2021 ay nasa 45,948, 28.43 porsyento ang baba kumpara sa 64,199 na kabuuang bilang noong nakaraang taon.

Noong nakaraang pasukan, ang nagpa-enroll sa elementarya ay 32,395, sa junior high school (JHS) o Grades 7-10 ay 20,446, sa senior high school (SHS) o mula Grades 11 at 12 ay 6,700, sa  kindergarten ay 4,534 at 124 naman sa Special Education (SPED) habang ang nagpatala  noong Hunyo 1-30, 2020, ang elementarya ay nasa 22,238 pa lamang, ang JHS ay 15,790, ang SHS ay 5,103,  ang kindergarten ay 2,724 at 93  naman sa SPED.

“Baka po ung iba ang nahihirapan makapunta sa school or makapag-online,” ayon naman kay Francisco nang tanungin sa posibleng naging dahilan ng pagbaba ng bilang ng enrollees noong nakaraang buwan.

Sa kabila naman ng bumabang datos, umaasa pa rin umano ang Kagawaran na makahahabol pa ang ibang kabataang hindi pa nakapagpapa-enroll.

Maging sa Alternative Learning System (ALS) ay bumaba rin ang enrollees na mula sa 1,828 noong nakaraang pasukan, nasa 813 pa lamang  ang nagpatala noong Hunyo.

“Patuloy po kami sa pag-locate ng mga learners na hindi pa nakaka-enrol,” pagtitiyak ng tagapagsalita ng City DepEd.

Ayon pa kay Francisco, ipatutupad ng DepEd Division of Puerto Princesa City sa darating na pasukan ang Distance learning Modular sa pamamagitan ng printed modules, alinsunod sa kautusan ng DepEd.

Matatandaang para maingatan ang mga mag-aaral laban sa  COVID-19, una nang inanunsiyo  ng kalihim ng edukasyon ang pagtuturo sa pamamagitan ng  multiple learning delivery modalities gaya ng blended learning, distance learning, at homeschooling.