Ibinahagi ni Thess Rodriguez ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) na nasa kamay na ng City Council ang bola kung pahihintulutan ang pagkakaroon ng discount at tax holiday sa lungsod ng Puerto Princesa.
“Pinag-uusapan na ‘yan sa paghihingi ng discount. ‘Yong tax holiday, ‘di natin alam kung mag-pursue ‘yon kasi dinidinig pa yan hanggang ngayon doon sa City Council,” ani Rodriguez.
Aniya, sumulat na rin umano ang kanilang tanggapan kay Mayor Lucilo Bayron, Vice Mayor Nancy Socrates, at City Administrator Atty. Arnel Pedrosa kaugnay sa pagpapalawig sa renewal ng business permit.
“Hintayin natin ‘yong final verdict nila doon kung ano ba na consideration na maibibigay nila. On the part of BPLO, sumulat tayo sa ating Mayor, sa ating mahal na Vice Mayor, [at] sa ating City Administrator na kung pwede ay palawigin ‘yong renewal period hanggang January 31, at wala pang sagot hanggang ngayon,” pahayag ni Rodriguez.
Wala rin umano dapat ikabahala sa mga magre-renew ng business permit dahil ang babayaran ngayong taon ay iyong kinita noong nakaraang taong 2019 habang ang sa 2020 naman ay babayaran sa taong 2021.
“Walang problema doon, baka kasi ang iniisip nila ‘yong binayaran hindi nila napakinabangan,” paliwanag ni Rodriguez.
Samantala sa mga negosyo naman na hindi nakapag-operate at nag sara ng mahabang panahon dulot ng pandemya sa COVID-19 ay kailangang magpakita ng mga dokumento o patunay para bumaba ang bayarin sa pag-renew sa 2021.
“Sana maintindihan ng ating mga kababayan yan. Wala pong lugi doon, hindi niyo nagamit yan. Idedeklara niyo ngayong 2021 renewal, para po bumaba ‘yong inyong taxes na babayaran. Kasi ‘yong regulatory fee natin fixed ‘yon eh, but it should be backed up by documents. Halimbawa certification coming from barangay or purok president ninyo na talagang hindi kayo nag- operate,” karagdagang pahayag ni Rodriguez.