Puerto Princesa City Councilor Peter Q. Maristela

City News

BREAKING NEWS: Konsehal Maristela, nagpahayag ng pagbibitiw sa mayorya sa Sangguniang Panlungsod

By Alexa Amparo

July 09, 2018

PUERTO PRINCESA CITY – Mariing nagpahayag ng pagbibitiw sa mayorya ng Sangguniang Panlungsod si City Councilor Peter ‘Jimbo’ Maristela.

Sa regular na sesyon kanina, sinabi ni Maristela na pinal na ang kaniyang desisyon na tumayo bilang minority floor leader kasunod ang mosyon na kaniya nang binibitiwan ang mga inuupuang committee chairmanship.

“Pormal ko na pong ipapahayag ang political decision na ito, ako po ay magbibitiw na sa mayorya at handa ko na pong upuan ang minority,” pahayag ni Maristela sa plenaryo.

“Ipinapahayag ko rin po ang aking pagbibitiw sa lahat ng chairmanship na hawak ko,” ani pa ni Maristela.

Nabuksan ang pahayag ni Maristela nang hindi suportahan ni Konsehal Nesario Awat ang kaniyang mosyon na imbitahan sa question and answer hour ang mga may kinalaman sa desisyon ng Supreme Court sa kaso ng Puerto Princesa Land Transport Terminal kung saan kinatigan ang city government na mamahala nito.

Nauna dito, nagpahayag si Maristela ng kaniyang sentimyento sa umano’y madalas na pagkontra ng kaniyang mga kasamahan sa kaniyang mga ipinapanukala sa kapulungan.

Sinubukan pang pigilan ng mga kasamahang konsehal si Maristela at binibigyan ng pagkakataong pag-isipan ang pahayag nito subalit nanidigan ang konsehal na hindi na mababago ang kaniyang desisyon.

“My decision is final, maraming beses ko na pong inisip ito at sa tingin ko panahon na para ipahayag ito ngayon, politically, I am decided and it’s final,” pahayag pa ni Maristela.

Nag-mosyon din si Maristela na nakatakda niyang ihayag sa pamamagitan ng privilege hour sa susunod na sesyon ng kapulungan ang kaniyang mga naipong dahilan ng pag-aaklas sa mayorya.

Sa huli, hindi pinagtibay ng kapulungan ang mga pahayag ni Maristela dahil marami pang kinakailangang isaayos sa magiging kalagayan ng konseho.