City News

[BREAKING] Tatlong kabilang sa 105 na dumating na ROF at LSIs, positibo sa rapid test

By Chris Barrientos

June 05, 2020

Inanunsyo ni City Incident Commander, Dr. Dean Palanca na tatlo sa 105 locally stranded individuals at Returning Overseas Filipinos na taga-Puerto Princesa at kasamang dumating kaninang madaling araw, June 5 ng iba pang ROF at LSIs mula Maynila lulan ng barko ng 2GO Travel ang naging reactive sa Rapid Diagnostic Test o RDT.

Sa isinagawang online advisory sa pamamagitan ng Facebook page ng City Information Department, sinabi ni Palanca na dalawa sa mga ito ang babae at isa naman ang lalaki na ngayon ay naka-isolate na sa quarantine facility ng lungsod at nakatakdang isailalim sa swab test upang matukoy kung ito ay positibo o negatibo sa COVID-19.

“So, itong 105 na ito, sa kasamaang-palad na naman… Meron na naman tayong tatlo, I repeat, tatlo po dito ang reactive sa IgM under po doon sa examination ng Rapid Diagnostic Testing,” ani Dr. Palanca sa online advisory ng City Information Department.

“Ito pong tatlong ito ay kino-consider po namin na probable COVID infection. Meron silang probable COVID infection. So, itong tatlo pong ito, dalawa dito ay babae at ang isa po ay lalaki. Sila pong tatlo ay atin nang dinala at in-isolate sa ating quarantine facility at sila po ay dadaan po sa schedule po natin na… isa-swab test po natin para ma-check po thru RT-PCR test po sa mga susunod po na araw,” dagdag ni Palanca.

Dagdag pa ng health official na sa tatlong ito na naging reactive sa RDT, isa ang ROF habang ang dalawa naman ay LSI.

Samantala, agad namang nilinaw ni Palanca na walang dapat ikabahala ang mga mamamayan ng Puerto Princesa dahil hindi naman nagpapabaya ang pamahalaan.

Patuloy din anya ang isinasagawang contact tracing upang matukoy kung sino ang mga nakasalamuha ng tatlong ito habang ang lahat ng mga umuwi sa lungsod kaninang madaling araw lulan ng barko na taga-Puerto Princesa ay isasailalim sa 14-day facility quarantine.

“Yung 105 po na katao na ito, sila po ay otomatiko po natin na ika-quarantine po at dadaan po sila sa labing-apat na araw na quarantine sa ating facility quarantine para po sila araw-araw ay namo-monitor ng ating mga nurses po doon. At kung sakali pong walang problema sa kanilang health, wala po silang mga signs and symptoms, maaari po natin silang ibalik na sa community after po ng dalawang linggong obserbasyon po dito,” pagtitiyak ng health official.