Alinsunod sa kautusan ng local IATF na layong maiwasan ang pagdami pa ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod Puerto Princesa, isa ang Brgy. Bacungan sa mga nagpalabas ng mas istriktong panuntunan.
Sa pabatid sa publiko ni Kapt. Gina Valdestamon na kanyang ipinaskil sa kanyang social media account, inanunsiyo niyang dahil sa mahigpit pa ring ipinagbabawal ang social gathering, kailangang tatlong (3) araw bago ang pagtitipon-tipon ay kukuha muna ng permit sa IMT sa pamamagitan ng digital means. Kung para naman sa mga party na nasa bahay lamang o pagtitipon na may 10 o higit pang kataong dadalo, lalo na kung mayroong mga pagkain at inumin, ay kinakailangang kumuha muna ng permit sa punong barangay at isumite ang listahan ng mga dadalo sa nasabing party.
Gayundin, ipinabatid din ng punong barangay na pansamantala munang isasara ang kanilang mga public beach hanggat wala silang COVID Marshal na mag-oobserba sa bawat beaches gaya ng Tagkawayan, Talaudyong at Nagtabon area at sa lahat ng falls sa kanilang barangay. Kilala ang Brgy. Bacungan sa mga magaganda nitong baybayin at mga talon kaya dinadayo ng mga tagalungsod at maging ng mula sa ibang lugar.
Muli rin niyang ipinaalaala sa lahat na bawal uminom sa pampublikong lugar, bawal lumabas ang mga may edad 20 pababa at 60 pataas, na ang curfew sa siyudad ay 10 pm hanggang 5 am at kung sinuman ang mahuhuling lumabag ay dadalhin sa kanilang holding area para sa isang orientation, ang tamang pagsusuot ng face mask at face shield, lalo na sa mga tanggapan ng gobyerno at ang pag-oobserba ng physical distancing.
“Ang ating papulasyon ay nasa 5,700+ at mayrong napakalalayong distansya ng mga sitio, kaya hindi po namin kayo kayang bantayan isa-isa. Kaya kami po ay umaapila sa inyo mga mahal naming [mga] kabarangay na magkusa na gawin ang pag-iingat, sundin ang ipinatutupad na minimum health protocols. Kung magagawa po natin ito, ito po ay malaking ambag natin sa ating bayan,” ang mensahe ni Kapt. Valdeztamon sa kanyang mga nasasakupan.
Sinuspende rin ng Brgy. Bacungan ang pagsasagawa ng civil mobile registration ngayong araw ng Biyernes, Oct. 9, 2020.
“Katuwang po natin sa pagpapatupad ang ating mga purok officials, health workers, Barangay Council, [ang mga] barangay tanod at maging kayo po na mga ordinaryong mamamayan at sa suporta ng ating mga PNP personnel,” ayon pa sa punong barangay ng Bacungan.