Inireklamo ng ilang nakaalis na locally stranded individuals or LSIs sa Puerto Princesa ang paniningil ng P50 ng 2GO Travel para sa re-printing ng malalabong tiket, na ayon sa mga pasahero ay kung tatanggi sila ay hindi sila makakasakay ng barko. Dahil limitado lang ang kanilang dalang pera, tingin nila ay hindi ito makatarungan lalo na sa panahon ngayon.
Sa panayam ng programang Chris ng Bayan dito sa PDN kay Carla Morales, isa sa mga nakaalis na LSI kamakailan at nakausap nya ang karamihan sa mga ito habang bumabyahe pa Manila nung Hunyo 14.
“Andun sila sa pila, mainit at sobrang layo pa, pag nakitang malabo ang print papabalikin sila at pababayarin sila ng P50 para i-print ang tiket nila,” Ani Morales.
Ayon pa kay Morales, siya mismo ay hindi naging maganda ang karanasan sa pagbili ng tiket dahil makailang beses umano siyang pinabalik-balik sa City Hall para kumuha ng mga papeles, gayung meron na syang mga hawak na dokumento para maka-byahe. “Sinusungitan niya kami, yun nga andami nyang kini-kwesyton may mga dala naman kaming papeles, hindi ko alam kung bakit ganun sya, kung galing ba ang utos sa mas nakakataas sa kanya, pero yung approach hindi ganun dapat.”
May nakausap rin syang pasahero na siningil ng P170 para sa printing ng tiket dahil mali ang pangalan na nakalagay sa hawak nitong tiket. “Sabi nya sa akin, Ma’am sinisingil nila ako ng P170 kasi po mali ang pag-type nila sa pangalan ko, eh hindi po ako marunong magsulat at magbasa, basta binigay ko lang yung ID sa kanya, tapos ngayon sinisingil nila ako ng P170 para daw sa correction, para i-korek yung pangalan niya,” dagdag pa ni Morales.
Agad namang sinagot ni Analie Catolico, Customer Service Representative ng 2GO Palawan ang mga reklamo, nasa polisiya at nakalagay sa mismong tiket ang re-printing charge na P50 at kalakaran talaga nila bago pasakayin na makitang klaro ang pangalan sa tiket, ang mga may hawak na malabong kopya anya ay galing sa mga ticketing agent nila na pinadala lang thru screen shot na siyang pina-print ng sasakay na pasahero, hindi nila ito tinatanggap lalo’t hindi malinaw ang pagka-print.
“Pag-scan copy talaga ganun at pinadala lang sa cellphone, iba kasi dun online nag-bili ng tiket, may resibo naman kami na ini-isyu pag nag-bayad sila ng charge,” Sabi ni Morales.
Sa ginang na na-charge ng P170 ayon kay Catolico ay talagang magkaiba ang pangalan sa hawak nitong ID, inabisuhan naman anya nila itong makipag-ugnayan sa ahenteng pinagbilhan ngunit sarado pa ito ng sandaling yun, kung kaya kailangan umano nyang bayaran ang service fee sa pagtama ng spelling ng pangalan sa tiket.
“Upon check-in nakita namin iba talaga ang pangalan dun sa tiket at sa ID nya, dahil sarado ang branch na binilhan nya, pinapili naman sya na balikan nya ito o bayaran na lang ang service fee para makasakay siya,” Sagot ni Catoliko.
Kaugnay naman sa pagpa-pabalik-balik ng pasahero bago bentahan ng tiket, sagot ni Catolico ay sumusunod lamang sila sa mga protocol ng lokal na pamahalan, mahigpit anyang bilin sa kanila na dapat kumpleto ang hawak na dokumento at nasa listahan ang pangalan na ibinibigay ng Tourism Office, aminado syang marami ngang nagagalit na mga pasahero sa parteng ito ngunit sinusunod lamang nila ang tamang patakaran.
“Yung requirement hindi naman si 2GO ang nag require, problema talaga si Tourism dahil tinutulak na sa amin para isyuhan ng tiket kaso wala pa sa listahan nila,” dagdag pa ni Catolico.
Nakarating na rin sa pamunuan ng 2GO sa Cebu City ang nangyari, sa opisyal na pahayag nila na ipinadala sa PDN ay sinabi nilang kasalukuyang ini-imbestigahan ang pangyayari. Sa ibang pasahero na gusto mag-reklamo ay hinikayat nilang magpadala ng email sa travel@2go.com.ph o i-message sila sa 2GO Travel page sa Facebook.