City News

CHO: Polio, malayong bumalik dito sa Puerto Princesa

By Michael Escote

October 01, 2019

Ipinagmalaki ng City Health Office o CHO na kabilang ang Lungsod ng Puerto Princesa sa mga lugar sa Pilipinas na napakababa ang panganib sa pagkakaroon ng sakit na polio.

Ayon kay City Health Officer Dr Ricardo Panganiban, batay sa Inilabas na Risk Assestment ng World Health Organization o WHO noong 2018 ay isa sa ilang lugar lang sa bansa ang Puerto Princesa City na may very low risk ng pagkakaroon ng polio.

“Sa buong Palawan ay red siya except Puerto Princesa,” sabi pa ni Dr Panganiban.

Sa kaniyang pagkakatanda raw, mahigit 10 taon nang walang may sakit na polio dito sa kabisera ng Palawan.

Ito umano ay dahil na rin sa kanilang maayos na immunization program at sa sanitary condition ng syudad.

Kinumpirma niya rin na hindi na sila nahihirapan pang magsagawa ng mga pagbabakuna sa mga bata kontra polio at kung minsan ay sila pa ang nauubusan ng vaccine dahil nakadepende lang sila sa procurement na ginagawa ng national government.

“Naka-move in na ang ating mga kababayan sa Dengvaxia scare,” dagdag pa ni Panganiban.

Dito sa lungsod ay maganda naman raw ay polio coverage bagama’t nasa 95 percent lamang pa lang ito ngayon pero nais nila itong maging 100 percent.

Ang mga below 1 year old na mga bata ang kanila umanong binibigyan ng polio vaccine partikular na ang oral at injectable polio vaccine para malabanan ang type 1 at type 2 polio virus.

Samantala, sa inilbas na Poliovirus Re-infection Risk Assestment Result 2018, makikita na 59 percent ng mga lugar sa Pilipinas ay high risk, 32 percent ang medium risk at 9 percent ang low risk kabilang na ang Puerto Princesa City.