Inanyayahan sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod ngayong araw ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO)-Palawan hinggil sa kahilingan ng Punong Lungsod sa Konseho na mabigyan siya ng kapangyarihan na pumasok sa 3-in-1 Memorandum of Agreement (MOA) sa PCSO may kaugnayan sa grants na ibinibigay ng nasabing ahensiya mula sa Lotto, Small Town Lottery (STL), at maging ng Calamity Fund.
Kaugnay nito, ay agad na inaprubahan ng City Council ang resolusyong nagbibigay kapangyarihan kay City Mayor Lucilo Bayron para pumasok sa nabanggit na kasunduan, gayundin ang paghiling kay PCSO Chairman Anselmo Simeon P. Pinili na taasan ang allocation ng financial assistance sa lungsod at kahilingan kay Pangulong Rodrigo Duterte na amiyendahan ang EO 357-A, s. 1996 ukol sa Charity Fund Share ng LGU na five percent ay gawin itong ten percent.
Kasama rin sa mga inaprubahan ng Sanggunian ang kahilingan ng mga miyembro ng Konseho sa PCSO na matulungan ang lahat ng mga nasunugan sa Lungsod ng Puerto Princesa ngayong taon gaya sa Brgy. Bagong Sikat at Brgy. Maunlad at ang pagbibigay din ng kapangyarihan sa Alkalde at/o sa Ingat-yaman ng siyudad upang makapagbukas ng isang special account na paglalagakan ng tulong pinansiyal ng PCSO.
Ayon naman sa OIC Branch Manager ng PCSO-Palawan na si Maria Victoria Colisao, sa ngayon ay five percent ang binibigay na tulong ng kanilang tanggapan sa bawat lokal na pamahalaan ng siyudad at lalawigan mula sa kita ng Lotto habang sa STL naman ay kasalukuyan pang pinag-uusapan ng PCSO Board.
Ipinabatid din niyang dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic ay bumaba sa P80,000 kada araw ang pupwedeng maibigay na tulong ng PCSO mula sa dating P180,000 ngunit maaari naman umano itong maibalik sa dati sa susunod na taon.
Nakatakda na rin umanong muling mag-operate ang STL sa lungsod sa buwan ng Oktubre matapos na ibinaba na ng ahensiya ang implementing rules and regulations noong makaraang Linggo. Sa panuntunan umano, dapat 100 metro ang layo nito sa mga simbahan at mga eskwelahan.