Ipinaliwanag ng City Health Office (CHO) na bagama’t naitala ngayong araw ang ikalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula sa Ospital ng Palawan (ONP) ay hindi pa rin ito maituturing na “community transmission” kundi “local transmission” lamang.
Ito ang nilinaw ni Dra. Fi Atencio mula sa CHO bilang kasagutan sa katanungan ni City Information Officer Richard Ligad kaugnay sa panibagong kaso kung nangangahulugang nagkaroon na ng local transmission, kasabay ng online advisory ng CIO pasado alas onse ngayong umaga.
“Tinatawag po na ‘local transmission’ kapag hindi po sa labas ng ospital ang sakit. Dahil dito na siya sa ospital nahawa, masasabi natin na ito ay ‘Local transmission’ pero di pa po ito masasabi na ‘community transmission’—magkaiba po kasi ang mga ito….Para masabi mo na ‘community transmission,’ ibig sabihin kumalat na ito sa City o sa komunidad,” ayon kay Dra. Atencio gaya rin ng mga paliwanag niya sa kanyang social media post.
Giit niya, hindi pa rin sapat para sabihing nagkaroon na community transmission sa ngayon dahil ang nasabing pasyente ay isang medical employee ng ONP at hindi mismong galing sa komunidad.
“Kapag po itong ating mga confirmed cases, tayo ay makapag-establish ng mga ebidensiya base sa ating contact tracing na mayroon pang iba na kumpirmadong kaso ng COVID-19 outside, sabihin nating sa ospital—either sa kapamilya nila, sa nakasalamuhang mga kaibigan, sa mga katrabaho, sa anybody na nasa labas ng ospital, ito ay masasabi ng community transmission,” ayon pa sa doktora.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy umano ang pagsasagawa ng contact tracing sa lungsod at pagkuha ng mga ebidensiya mula rito.
Dagdag pa ni Dra. Fi, may dalawang contact tracing team sa Lungsod ng Puerto Princesa—ang team ng ONP na nakatalaga sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa loob ng kanilang pasilidad at ang grupo ng City Government na nakatuon naman sa labas ng ospital.
Aniya, isinasagawa ang contact tracing sa mga close contact ng mga nagpositibong pasyente ng COVID-19 dalawang araw bago sila nakitaan ng mga sintomas hanggang sa 14 araw pagkatapos naman ng unang sintomas.
Kaya panawagan ng mga kinauukulan sa lahat ng mga nakasalamuha ng bagong kaso na malapit pa sa isang metro ang layo sa loob ng mahigit 15 minuto, kasama sa travel lalo na katabi sa upuan, direktang nagbibigay ng pangangalaga sa may sakit ng COVID-19 o may naganap na physical contact ay makipag-ugnayan na sa kanila upang mas mapadali ang contact tracing.
Una namang inanunsiyo ni City Incident Commander at Assistant Health Officer, Dr. Dean Palanca ang hinggil sa bagong confirmed case, kasabay ng katiyakang naka-isolate na ang pasyente sa quarantine facility ng siyudad at magtatagal doon sa loob ng dalawang linggo upang pagpagaling.
“Siya po ay nagpositibo sa swab test dahil na rin sa isinasagawang contact tracing at sina-swab po ang mga persons na nadoon po sa category po priority na dapat ma-examine sa loob ng Ospital ng Palawan,” ani Dr. Palanca.
Ipinabatid din ni Palanca na isang asymptomatic ang bagong pasyente ng Puerto Princesa.
“Siya po, right now, ‘yong kanyang health status ay walang po siyang nararamdamang karamdaman, walang ubo, walang pabalik-balik na lagnat. Maayos naman po ang kanyang kalagayan,” aniya.
Ang pinakabagong kaso ngayong araw ay ang pang-anim na existing COVID-19 case sa Puerto Princesa City at pang-16 naman sa kabuuan sa Lalawigan ng Palawan, kabilang na ang dalawang lumang mga kaso na nakatala rin sa lungsod.
Kaugnay naman nito, patuloy na nagpapaalaala ang mga kinauukulan sa publiko sa kahalagan ng pagsusuot ng facial mask at social distancing hindi lamang upang hindi mahawaan kundi upang maiwasan ding maikalat ang nakahahawang sakit sa ibang indibidwal.
Discussion about this post