City News

City Jail, ginalugad ng BJMP dahil sa itim na bag

By Chris Barrientos

June 16, 2020

Nagpapatuloy ang “Oplan Baklas” sa Puerto Princesa City Jail kasunod ng insidente kahapon, June 15, kung saan isang itim na bag ang inihagis sa loob ng City Jail compound na naglalaman ng mga tabako at isang cellphone.

Ayon kay Senior Inspector Irene Gaspar, ang warden, iniisa-isa nila at hinahalughog ang mga selda upang matiyak na walang kahalintulad na bagay na naitago ang persons deprived of liberty o PDLs na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng piitan.

Wala pa rin kasi anya silang lead hanggang sa ngayon kung para kanino at saan o kanino galing ang bag na naglalaman ng mga ipinagbabawal na gamit sa City Jail.

“Nagbaklas pa lang kami dito ngayon at ongoing s’ya ang Oplan Baklas kasi wala pa po talaga kaming lead kasi ang pinanggalingan n’ya is medyo madilim po s’ya at doon s’ya sa area ng may mga bahay na,” ani Gaspar sa panayam ng Palawan Daily News.

“Literal na baklas talaga ang ginawa namin dahil may binaklas talaga kami tulad ng part ng building namin na yero at may mga sira narin ang ibang kisame kaya pinabaklas na namin at pinagawa. Tag-ulan narin kasi at medyo may mga tumutulo narin kaya para isahan nalang s’ya at double purpose na nga ang ginawa naming,” dagdag ng opisyal.

Paliwanag pa ni Gaspar, malamang ay ito nalang ang naisip ng kung sino man para makapagpasok ng kontrabando sa loob ng City Jail na naka-absolute lockdown parin hanggang sa kasalukuyan dahil sa banta ng COVID-19.

Sa kasalukuyan ay wala pa naman anya silang ibang nahuhuli o nakikitang bawal na kagamitan o communication gadgets sa loob ng City Jail.

“Wala pa naman pong iba maliban na lamang sa sobra-sobra nilang kagamitan like ng mga damit na may ibang kulay kasi dapat yellow lang ang allowed natin. Paunti-unti ay nag-iinventory narin kami para kahit paano ay lumuwag narin ang kanilang mga dorm,” ayon pa kay Gaspar.

Apela na lamang nito sa mga kaanak ng PDLs, konting tiis pa dahil ang pagbabawal sa pagbisita sa loob ng City Jail ay para naman sa kapakanan ng lahat at maiwasang makapasok ang nakamamatay na virus.