Naka-red alert ngayon ang Puerto Princesa City Jail dahil sa pagkakapiit dito ng pitong hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army o NPA na kinilalang sina Jenny Ann Bautista aka Ka Taba, Ronces Paraguso, Glendhyl Malabanan, Joelito Tanilon aka Ka Tangkad, Awing Lumpat aka Ka Gitna, Bener Rimbuwan aka Ka Bata at ang sinasabing mataas na lider ng NPA na si Domingo Ritas aka Ka Dino at Ka Antonio Molino.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay JO2 Marlito Anza, tagapagsalita ng Burea of Jail Management and Penology -Puerto Princesa, sinabi niya bago pa man madala sa kanilang piitan ang mga suspek ay itinaas na sa red alert status ang buong pasilidad.
“Red alert kami nong parating palang sila at until now still red alert kami, intact lahat ng personnnel 24/7,” ani ni Anza.
Kinumpirma rin ni Anza na mayroon na silang ginawang security measures subalit tumanggi siyang idetalye ito.
“May mga ilang security measures din kaming ginawa pero confidential para maiwasan at mapigilan ang mga untoward incidents,” sabi ni Anza.
Nakipag-ugnayan rin umano sila sa PNP at AFP para mabigyan sila ng security assistance kaya maya’t maya umano ang pagroronda ng mga pulis at militar.
Ito ay para mapigilan rin ang posibleng paglusob sa piitan ng mga kasamahan ng pitong suspek para kuhanin sila.
Samantala, pinapayagan naman umano ng BJMP na madalaw ang mga hinihinalaang NPA fighters ng kanilang mga kaanak, abogado o maging ng mga miyembro ng grupong Karapatan basta dumaan sa tamang proseso.
Sa ngayon ay nakakulong sa magkahiwalay na dormitoryo ng City Jail ang mga high-profile inmate.
“Meron silang separate na dorm para sa 4 na lalaki at separate din sa 3 babae,” dagdag pa ni Anza.
Matatandaang sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9516 at Republic Act 10591 o Illegal Possesion of Firearms and Explosives matapos masakote sa checkpoint ng pulisya at militar sa Bgy San Jose, Puerto Princesa City noong gabi ng October 4,2019 at makumpiska ang isang 9mm pistol, mga gamit pampasabog at maraming iba pa.
Walang piyansang inilaan ang korte para sa pansamantala nilang kalayaan.