City News

City Legal, COVID Sheriff, hiniling na makipag-ugnayan sa Konseho bago manita sa mga public tricycle

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 14, 2021

Hinihiling ngayon ng chairman ng Committee on Transportation ng Puerto Princesa City Council sa City Legal at sa pamunuan ng COVID Sheriff na makipag-ugnayan sa konseho bago manita ng mga pampasadang tricycle na nagpapasakay ng higit sa isang pasahero.

Iginiit ni Kgd. Jimbo Maristela, Chairman ng Committee on Transportation, na base sa City Ordinance No. 1111 ng Lungsod ng Puerto Princesa ay binibigyang pahintulot ang mga tricycle driver na magsakay ng tatlong pasahero basta’t mayroong barriers sa pagitan ng driver at mga pasahero.

“Sana kung ‘yong City Legal at COVID Sheriff Program ay ‘yon ang pananaw nila ay sumulat sila sa Sanggunian para mapag-usapan kasi hindi naman pwedeng ‘pag sinabi nila, ‘yon na kaagad eh. Mayroon tayong gobyerno, mayroon tayong proseso, mayroon tayong tayong Sanggunian,” ani Maristela.

“Sana makipag-coordinate sila kung gusto talaga nilang ipilit na isa lang [ang isasakay sa traysikel]. Sulat sila sa Sanggunian para naman ma-deliberate namin, hindi ‘yong sila lang ang magdedesisyon,” dagdag pa niya.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay laman ng talumpati ni Maristela ang pagkuwestiyon sa pamunuan ng COVID Marshall ukol sa paninita. Ngunit sa naganap na committee meeting ng Committee on Transportation noong Miyerkoles ng umaga, nagpaliwanag umano ang pinuno ng COVID Marshall na si Alfred Sy na wala siyang utos na ganoon.  Sa impormasyong nakaabot umano kay Maristela ay napag-alaman niyang ang mga COVID Sheriff ang mga naninita.

“Ang [mga] naninita, ang COVID Sheriff na sabi nila, due to ECQ raw. Pero sabi ko naman, ‘May ordinansa [na ang siyudad] at saka, wala [pa] namang executive order si Mayor.’ Hindi naman pwedeng isang tao lang ang mag-interpret ng sinasabi at ito ang ipinatutupad,” giit ng Konsehal.

Aniya, dahil isang gobyerno lamang sila napapabilang, hindi pwedeng iisang departmento lamang ang mag-interpret at magsasabi ng kanyang interpretation base sa mga nabasa at iyon na ang ipatutupad nang hindi man lamang umano dumaan sa Konseho.

“Hindi pupuwede ‘yong verbal [lang]. Kinakailangan may ordinansa, or kung walang ordinansa, at least mayroong executive order ‘yong mayor. Hindi naman tayo pupwede na sali-salita lang,” ayon pa sa kanya.

Ayon pa kay Kgd. Maristela, sa sinasabing iisang pasahero lamang ang pwede sa ilalim ng GCQ status ay baka magkamali umano sila ng interpretation o baka lumang order ang kanilang nabasa dahil may bago na umanong guidelines ang DOTr.

“Hindi pwedeng isang department head lang o isang project manager ang magsasabi na isa lang [ang pwedeng isakay sa tricycle] dahil sa kanyang interpretation. Kinakailangang may executive order man lang ang Punong Lungsod kung walang ordinansa. Wala namang problema kung isa lang, susunod naman [tayo] pero daananin natin sa proseso,” paglilinaw naman ng opisyal.

IBABALIK ANG P20?

Nang tanungin naman kung ibabalik din ba ang P20 Special Fare sa tricycle kapag ibabalik sa isang pasahero lamang ang papayagan, sinabi ni Maristela na saka na umano iyon pag-uusapan ngunit hindi umano siya pabor dito.

“Kung ipipilit nila ‘yan, feeling ko dapat hindi na nila ipipilit na ipasa ‘yan sa ating mga kababayan ‘yong another increase dahil talagang hirap na hirap na ang ating mga kababayan,” aniya. “Kaya nga sinikap nating maibalik ‘yan sa P10 eh!”

Aniya, ang hindi niya pagsang-ayon ay dahil magkaiba ang sitwasyon noong ECQ pa ang Puerto Princesa sa ngayong ibinalik lang ang GCQ.

“Halos walang lumalabas ng bahay noon kaya talagang hindi nahihirapan ‘yong ating mga kababayan [kahit itinaas ang pamasahe sa traysikel]. Halos walang pumapasok sa opisina, sarado lahat ‘yong opisina. Sa ngayon, lahat ng opisina bukas. Ang lahat ng mga negosyo bukas na,” pahayag pa ng opisyal.

Aniya, kung mamamasahe ng P20 sa isang sakayan ang isang commuter palabas mula sa looban ay papatak sa P40 ang gastos niya sa araw-araw. Ngunit kung nagkataong ang bahay niya o pinagtatrabahuan ay nasa mas looban pa ay aabot sa P80 ang mawawala sa kanya sa papunta at pabalik na byahe sa isang araw.

“Ngayon kung gusto nila na isa [pasahero lamang], i-increase [nila ang pamasahe], hindi na ako papayag na mag-increase [ulit] ng P20. Kung gusto nila, i-subsidy nila (pamahalaan) ng mabuti ‘yong ating mga driver para hindi na mag-increase kung ipipilit nilang isa. Kasi tayo nga, gumagawa tayo ng paraan para maibsan ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan,” giit niya.

Aniya, ang sa kanya lamang umano ay lumagay sila sa gitna at huwag isang sektor lamang ang titingnan.

“It’s up to the mayor naman. Kami naman sa Sangguniang ay gumagawa kami ng paraan para maging balanse, kaya nga may plastic barriers ang mga tricycle eh. Otherwise, ‘yong mga multicabs, hulihin din nila ang mga magkakatabi kasi in-allow na ‘yan ng DOTr na pwede ng magkatabi [ang mga sakay], provided may plastic barrier,” dagdag pa ng abogadong Konsehal.

Sa pamamagitan naman ng text message ay sinagot ni City Legal Officer Norman Yap ang mga komento ni Kgd. Maristela.

Ipinaliwanag ni Yap na ang kanilang mga basehan ay ang Section 458 (a)(3)(vi) ng  Local Government Code, Section 5.a. ng LTO Memorandum Circular 2020-2185 na may petsang May 12, 2020 at Section 2.d. ng  LTFRB Memo Circular No. 2020-061.

Nakasaad sa  Section 458 (a)(3)(vi) ng  Local Government Code na saklaw ng kapangyarihan ng Sangguniang Panlungsod ang pag regulate ng operasyon ng mga tricycle at magbigay ng prangkisa ayon sa itinakdang guidelines ng Department of Transportation.

“Subject to the guidelines prescribed by the Department of Transportation and Communications, regulate the operation of tricycles and grant franchises for the operation thereof within the territorial jurisdiction of the city;”

Makikita naman sa Section 5.a. ng LTO Memorandum Circular 2020-2185 na itinakda ng Department of Transportation ang guidelines sa operasyon ng mga land transportation sa mga  lugar na isinailalim sa GCQ. Para sa mga tricycle, isa lamang pwedeng isakay.

“Tricycles; Max. 1 passenger in the side-car; No passenger shall be seated right beside/behind the driver.”

Habang nakasaad naman sa Section 2.d. ng  LTFRB Memo Circular No. 2020-061 na bilang pagsunod sa utos ng Presidente, lahat ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan ay kailangang sundin ang physical distancing sa lahat ng oras.

Dagdag pa ng opisyal, nakahanda naman umano ang kanilang tanggapan na magbigay ng legal advice kung hihilingin ng City Council.

Nilinaw din niyang hindi implementing agency ang City Legal Department pagdating sa pagpapatupad ng pagbabawal ng pagpapasakay ng pasahero sa traysikel ng higit pa sa isa sapagkat hawak ito ng COVID Sheriff Program.

Samantala, wala pang sagot ukol dito ang pamunuan ng COVID Sheriff Program.