Photo Credits to City Mayor's Office - Puerto Princesa

City News

Mayor Lucilo Bayron, inaatasan ang Robinsons na ibigay na ang lahat ng CCTV footage

By Jane Jauhali

August 11, 2022

Inatasan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang Robinsons management na ibigay na ang lahat ng kopya ng CCTV footage sa loob at labas ng shopping mall sa kapulisan na nag-iimbestiga sa pagkawala ng isang babae.

Batay sa Facebook post ni Konsehal Elgin Robert Damasco, inatasan na ng punong lungsod ang pamunuan ng Robinsons Palawan na ibigay na ito sa PNP.

Aniya, kapag hindi susunod ang naturang establisyemento sa utos ng mayor na base sa umiiral na ordinansa, ay puwedeng i-suspende ang kanilang mayor’s permit.

“Robinsons Mall Management, kapag hindi pa ninyo i-respeto ang utos ng Punong Lungsod, ayon sa Ordinansa, puwede na i-suspend ang mayor’s permit ninyo at pansamantala kayo ipasara. FYI,” saad sa Facebook post ng konsehal.

Base sa City Ordinance No. 690 o “An Ordinance Enacting The CCTV Ordinance of Puerto Princesa”, narito ang mga naturang detalye:

SECTION 13: ACCESS TO RECORDINGS. If the crime has been committed or the operator, employee or the owner of the establishment has reason to believe that a crime has been committed and has been recorded by the CCTV, the operator, employee or owner of the establishment shall immediately contact the nearest police station and shall provide access to pertinent recordings to the police and other investigators.

The operator, employee, or owner of the business establishment shall also make available the camera recordings to the law enforcement authorities engaged in a criminal investigation.

SECTION 19: SOCIAL RESPONSIBILITY. It is the responsibility of the owner of the establishment covered by this ordinance to allow law enforcement agencies to view the recorded videos and to provide a copy within 72 hours of any footage then upon written request of the law enforcement agency, in aid of investigation. Non-compliance to the written request shall be penalized by suspension of mayor’s permit and a fine of P5, 000 when proven otherwise.

Maliwanag din umano sa nabanggit na ordinansa na sa loob ng 72 oras pagkatapos makatanggap ng written request mula sa mga awtoridad ay dapat nang ibigay ang kopya ng CCTV recordings.

Ayon naman kay Konsehal Jimmy Lagan Carbonell, mas makakatulong aniya kung bubuo  ng “Special Task Force Jovelyn” na binubuo ng City PNP, PNP Tiniguiban, Criminal Investigation and Detection Group, (CIDG), National Bureau Investigation (NBI), Western Command Armed Forces of the Philippines, at Opcon Units, para magkaroon ng ugnayan sa kani-kanilang units sa labas ng Puerto Princesa, upang sa ganun ay ma-consider din nila na hindi lang sa jurisdiction ng lungsod puwedeng makita ang dalaga, kundi maging sa mga lugar ng mga exit points rin mula sa Sur at Norte ng lalawigan.

Naniniwala din ito na napakahalaga ang koordinasyon ng nasabing mall at naibigay sa PNP ang lahat ng CCTV o kahit naipasilip man lang.

“Ako po ay umaapela din sa lahat lahat lalo na sa mga lugar na kung saan siya sumasakay araw-araw pauwi, tricycle drivers, multicab drivers, pampasaherong jeepney pauwi sa kanilang tahanan ay tiyak na pamilyar na sa kanila ang mukha ng biktima–ipagdasal po nating lahat ang kanyang kaligtasan, at sana po ay huwag ding husgahan ang ating kapulisan,” ani ni Konsehal Jimmy Lagan Carbonell.

“Ako po, bilang dating alagad ng batas at nanungkulan din bilang hepe ng ating lungsod ay alam ko rin ang hirap sa kanilang pag ganap ng kanilang tungkulin at alam ko na ginagawa rin ng ating mga kapulisan ang kanilang tungkulin para sa ikalulutas ng kaso ni Jovelyn, tulongan po natin sila sa paglutas ng kasong ito sapagkat mas mapapabilis ang paglutas ng isang kaso kung tayong mamamayan ay patuloy na sumusuporta at tumutulong sa pagbibigay ng mga tamang impormasyon sa kanila, maraming salamat po,” dagdag ni Carbonell.

Samantala, ngayong araw nakatakdang padalhan ng Puerto Princesa City Mayor’s Office ng liham ang Robinsons Place Palawan Management na nag-uutos na ibigay ang lahat ng kopya ng CCTV sa mga awtoridad noong araw na mawala si Jovelyn at umaasa ang Pamahalaang Panlungsod na susunod sa utos ang nasabing establisyemento.