City News

City Police Chief: Walang ‘third party’ sa ‘crime of passion’

By Mike Escote

October 25, 2019

Nilinaw ng Puerto Princesa City Police Office na hindi “third party” ang dahilan kung bakit pinatay ni Patrolman Raymond Cacho ang kaniyang  misis na si Karen Cacho  bago nagbaril sa sarili  noong October 23,2019 sa Ramon V. Mitra Sports Complex, Bgy Sta. Monica, Puerto Princesa City.

Sa press conference na ipinatawag ng PPCPO at ng City government, sinabi ni Police Colonel Marion Balonglong problemang mag-asawa ang dahilan nito.

“According doon sa interview ng investigation sa mga witnesses and friends who were close to the victim at tsaka doon sa mag asawa ang problema ay in between husband Raymond Cacho and wife Karen Cacho, wala pong ibang nakikita or motibo pero problema mag asawa ang cause ng pamamaril nagkataon lang na doon nangyari sa RVM sports center,” ani ni Balonglong.

Sinabi pa niya na batay sa mga testigo ay walang “love triangle” o “third party” na sangkot sa problema ng mag-asawa.

May mga unang ulat kasi na nagselos ang suspek dahil may karelasyon na lesbian ang biktima.

Magkaganyunman tumanggi ang PNP na idetalye pa kung ano ang problema ng mag-asawa.

Iginiit naman ni City Information Officer Richard Ligad na hindi na kailangan alamin pa kung ano ang pinag-awayan ng mag-asawa bilang respeto na rin sa kanila.

Samantala, nilinaw rin ng pulisya na hindi nadamay sa pamamaril ni Cacho ang isang Leigh Magbanua na kaibigan ng biktima dahil sinadya umano ang pagbaril dito subalit nakatakbo kaya sa balikat lamang tinamaan.

Lima rin umano ang nakuhang empty shells sa lugar at hindi apat katulad ng naunang napaaulat.

Nangyari rin daw ito sa sports complex dahil intramurale ng eskwelahang pinapasukan ng biktima at nanonood ito ng football game kasama ang tatlong kaibigan ng biglang dumating ang suspek sa lugar.

Dahil sa nangyari kinumpirma ni Ligad na maghihigpit na ng seguridad sa sports complex at sa iba pang goverment facilities para hindi na maulit pa ang pangyayari .

Posible rin daw na maglagay na ng mga CCTV camera.

Samantala, iginiit rin ni Balonglong na isolated case lang ang nangyari kaya walang problema sa seguridad at katahimikan sa Lungsod ng Puerto Princesa.