Walang nakikitang epekto sa turismo ng Lungsod ng Puerto Princesa ang City Tourism Office sa nararanasang haze ngayon dulot ng forest fire sa bansang Indonesia.
Ayon kay Demetrio Alvior Jr, Assistant City Tourism Officer, ang haze sa Puerto Princesa ay tolerable kaya ang maapektuhan lang nito ay ang may mga sakit na tulad ng asthma subalit kung wala namang karamdaman o malusog ang pangangatawan wala namang dapat ipangamba.
Nakakatulong rin umano ang pagkakaroon ng mga mayayabong na punong kahoy para hindi madama ng husto ang epekto.
“Ang kagandahan sa Puerto Princesa ay maraming puno kaya ang impact ng haze sa atin ay nababawasan,” giit pa ni Alvior.
Dahil dito sinabi ni Alvior na dapat tuloy-tuloy na pangalagaan ang kalikasan ng syudad dahil hindi lamang naproprotektahan nito ang mga mamamayan sa mga sakuna tulad ng baha kundi pati na rin sa hangin.
Sa katunayan umano ang mga turistang sakay ng isang cruisehip na dumaong sa lungsod noong nakalipas na araw ay hindi naman nagreklamo at alam na nila ang tungkol sa haze subalit nalulungkot lamang umano dahil ang syudad ay kilala sa napakalinis ang hangin.
Magkagayunman ay nakatakda namang ipatawag sa susunod na sesyon ng City council ang mga kinatawan mula sa City Environment and Natural Resources Office o City ENRO at City Health Office para malaman umano ng konseho kung kailangan na bang isailalim sa state of calamity ang syudad.
Matatandaang nagbigay na ng babala ang City ENRO na kailangang magsuot na ng mga facemask para maprotektahan ang kalusugan ng bawat isa mula sa haze.