City News

City Tourism Office, mariing ipinagbabawal ang pagbisita sa Pader River ng Inagawan

By Evo Joel Contrivida

July 13, 2020

Hindi ikinatuwa ng Puerto Princesa City Tourism Office ang nangyaring tour o pagbisita sa Pader river ng Brgy. Inagawan ngayong may pandemya. Matatandaang kumalat sa social media ang post ng ilang netizen na nagtungo sa ilog at namangha sa ganda nito.

Ayon kay City Tourism Officer Aileen Amurao, hindi dapat puntahan ang Pader lalo pa’t isa itong water source ng lungsod na karugtong ng Irawan river na syang pangunahing pinanggagalingan ng malinis na tubig sa Puerto Princesa.

“Kaso ‘yan yung main source of water natin, ayaw muna natin siya i-disturb, tingnan mo  ‘tong Irawan gusto nilang buksan, ang sa akin ayaw ko kasi na ‘pag nakita mo maganda siyempre virgin yung area, ayaw ko maging excited, kita mo main source yan ng water natin karugtong ng Iwahig-Irawan river,” Ani Amurao.

Naiintindihan ni Amurao ang pagkabagot ng marami kung kaya’t hindi maiiwasan ang pagbisita sa mga atraksyon tulad ng Pader river subalit paalala niya, hindi lahat ng mga ito, maaring puntahan.

“Hindi porke maganda at may potensyal siya bubuksan natin sya. Let us not encourage people to disturb our resources. Pare-pareho ‘yan sya dito sa Bacungan, main water source natin,”dagdag pa ni Amurao.

Agad naman nagpaliwanag ang Professional Federation of Physical Fitness, Inc (PFPFI) na may nakatakdang aktibidad sa Pader River sa darating na Hulyo 18, ayon sa founder ng samahan na si J. Dela Torre, ang pagbisita sa Pader river ay para magsagawa ng clean up drive ang grupo dahil napansin nila na maraming kalat ang lugar noong huli nilang punta rito. Dahil dito, nagpasya ang grupo na ipagdiwang ang kanilang anibersaryo sa paglilinis ng nasabing ilog.

“Hindi namin alam ‘yong sa city, ginagawa namin ‘yon para sa fitness. Nakita namin yung kalat, instead mag motorcade, sabi ko puntahan ‘yong lugar. Wala kami(ng) idea na water source (ito). Sumulat din kami sa DENR para payagan kami maglagay ng mga signage. Wala kaming masamang layunin, kahit hindi makaligo basta tatawid lang at maglalagay lang kami signage,” sabi ni pa ni J. Dela Torre.

Base sa mga naunang post, mararating ang Pader river pagkatapos ng halos isang oras na trekking na lubhang nakakamangha dahil sa atraksyon nitong marble cliffs at malinis na ilog.