Inaanyayahan ngayon ng City Veterinary Office ang mga mamamayan ng lungsod na samantalahin na ang programa ng kanilang tanggapan para sa pag-aalaga ng hayop na pwedeng maging pagkakitaan.
Sa panayam kamakalawa ng “Story Café,” ang newest online series ng Palawan Daily News, binanggit ni City Veterinarian Indira Santiago na naglaan ng P15 milyon ang Pamahalaang Panlungsod para sa livestock farming na igagawad sa mga residente ng siyudad na apektado ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) gaya ng mga nasa sektor ng turismo, mga drayber at iba pa.
Kasama na umano rito ang mga hanapbuhay na nasagasaan ng COVID-19, ang mga biglang nawalan ng trabaho o nagkulang ang sustensto sa pamilya. Ito aniya ang pinakamaliit na kayang maitulong ng City Government na kung mapagyayaman ng nakatanggap ay maaaring maging malaking negosyo.
Ani Dr. Santiago, 3,000 pamilya ang target ngayong benepisyaryo ng programa na mapaglalaanan ng P5,000 na halaga—depende sa kung ano ang gusto nilang alagaan, kung iyon ay baboy, manok o itik.
“Ito naman ay start-up lang at kapag nakita ng tao na ‘Ah! Maganda pala ito. Productive pala ako sa ganito!’ Pwede naman siyang mag-expand on his own. Pero sa atin lang, ma-encourage sila ngayon at makita na may potensiyal pala ‘yong livestock farming sa Puerto Princesa,” ani Santiago.
Para maka-avail ay sumulat lamang umano sa kanilang tanggapan bago mag-Oktubre at sabihin kung ano ang gustong aalagaang hayop. Pagkatapos nito ay i-evaluate ng ahensiya kung ang lugar na napili ng isang aplikante ay akma sa nais niyang hayop na aalagaan at kapag naaprubahan ay kailangang sumailalim sa partikular na pagsasanay ang benepisyaryo.
Inihalimbawa rin ni Dr. Santiago na sa pag-aalaga ng manok, ang kadalasang naibibigay ng City Government ay walong babaeng manok at dalawang lalaking manok na kung makapagpangitlog na ay malaking tulong para sa pang-araw-araw na pangangailangan isang pamilya.
“Pag na-collate na natin ang mga nangangailangan ng manok, bago lang ipu-purchase ang manok. [Ganoondin], kapag nalaman na natin [kung sino ang may] gustong mag-alaga ng itik, bago lang din ipu-purchase ang itik, [ganoondin sa baboy],” saad pa ng pinuno ng ahensiya.
Simula namang napaskil ang poster isang araw bago ang “Story Café” na feature si Dr. Santiago, napakaraming mga tao na ang interesadong subukan ang paghahayupan. Sa ngayon, mayroon pang nasa 2500 slot sa mga nagnanais mapasama sa nasabing programa.
Ayon pa sa City Vet, isa sa mga dahilan ng nasabing hakbangin ay upang maitaguyod ang food-sufficiency ng Lungsod ng Puerto Princesa dahil iyon ang nakita ng siyudad nang nagkaroon ng lockdown.
Ani Dr. Santiago, halimbawa na lamang umano sa pangangailangan sa supply pa lamang ng karne ng baboy ay nasa 10 tonelada na ang kinokonsumo ng lungsod sa araw-araw; hindi pa umano kasama rito ang baka at mga manok. At sa pangangailangang iyon, nasa71 percent lamang ng supply ang napo-produce ng siyudad habang ang 29 percent ay galing na sa mga munisipyo.
“Kung gano’n kalaki ang requirement natin, makikita natin na sa ngayon ay mayroon tayong kakulangan pagdating sa production kaya gusto nating i-encourage ang mga farmers natin at itong mga gustong mag-umpisa na mag-alaga ng hayop para sa pangangailangan ng Puerto [Princesa City] ay welcome na welcome po sila,” aniya.
Nagpaalaala lamang ang head ng City Vet na ang maaari lamang mag-alaga ng mga baboy ay mula Brgy. Irawan sa south at simula sa Brgy. Tagburos sa norte, palayo sa city proper, alinsunod na rin sa kautusan ng City Zoning Department dahil sa isyung pangkalusugan.