“Tuloy na tuloy po ito.”
Ito ang naging sagot ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sheriff Abas sa isinagawang Online Presscon kaninang umaga, Pebrero 11, nang tanungin kung ipagpapaliban ba ang plebesito kung sakalaing tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Palawan. Dagdag pa nito, dahil mayroon umanong health and safety protocols na ipatutupad.
“Sa ngayon, base sa reports ng ating mga field directors and field supervisors including the election officers natin sa baba, walo (8) lang po ang kaso ng COVID-19 sa buong Palawan. So I don’t think na dadami po yun. Or kung dadami man eh mandato na po ito ng COMELEC na ico-conduct natin yung plebisito. So tuloy na tuloy na po ito. Kahit dadami pa ng bahagya ay meron naman po tayong health and safety protocols na susundin. So tuloy na tuloy na po ito.”
Hindi umano magiging hadlang ang pandemya sa darating ng plebisito sa Marso 13, 2021 ukol sa paghahati sa lalawigan ng Palawan sa tatlong probinsya.
“And hindi lang ito for the information of everyone the law creating or subdividing the Palawan to three (3) eh matagal na po ito. As a matter of fact, napirmahan po ito ng pangulo way back pa before the pandemic. So because of the pandemic medyo na-drag lang siya ng konti. But sa ngayon tuloy na tuloy na po ito kahit na dadami siya [yung kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Palawan]…”
Ayon naman kay Melissa, residente ng Munisipyo ng Roxas, dapat nang matuloy ang plebisito dahil alam naman ng mga awtoridad kung paano masisiguro ang pagsunod sa ipinapatupad na health and safety protocols.
“Okay lang, alam naman nila ang gagawin nila para ma-contain yung [mga magpo-positibo sa COVID-19]. Kasi kahit na i-postpone nila yan, itutuloy pa rin nila yana [kaya] ituloy na nila dahil nag-create na yan ng gulo.”
Samantala, magsisimula na bukas ang tinatawag na ‘campaign period’ ng COMELEC para sa pagtatatag ng 3 probinsya sa lalawigan na tatawaging Palawan del Sur, Palawan del Norte at Palawan Oriental.