Binisita ni Western Command Commander, VAdm. Rene Medina ang headquarters ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-3 bilang bahagi ng kanyang nakalinyang pagbisita sa mga yunit ng Wescom.
Sa post ng MBLT-3 sa kanilang Facebook account na may pangalang “Mblt Tres” noong ika-15 ng Mayo, ipinakikita rito ang mga larawan ng inihanda nilang programa sa pagdating ng pinuno ng unified command ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa Lalawigan ng Palawan.
Ang headquarters ng MBLT-3, kung saan naroroon din ang Joint Task Force North (JTFN) na nakabase sa Brgy. Minara, Bayan ng Roxas, ang may saklaw sa pangangala ng buong hilagang bahagi ng lalawigan katulad din ng Joint Task Group South na nakatutok sa sur at Joint Task Force Peacock naman sa buong Lungsod ng Puerto Princesa.
Nagkaroon din umano ng pag-uusap, kung saan ay ipinaalam kay Vice Admiral Medina ang operational status ng unit at pagkatapos nito ay personal niyang pinasalamatan ang tropa ng mga militar na nakatalaga roon dahil sa magaling at marubdub nilang serbsiyo sa sambayanan.
Matapos ang aktibidad, nagbigay ng personalized caricature memento ang mga opisyal at personnel ng MBLT-3 sa ComWescom bilang pasasalamat sa pagdalaw sa kanila.
Lumagda naman si VAdm. Medina sa Tres Palmas Visitor’s Wall at Tres Palmas’ Guest Book ng MBLT-3 bilang bahagi ng kanilang tradisyon na pagtanggap sa kanilang mga natatanging bisita. Noong Mayo 12 naman ay unang binisita ni Medina ang MBLT-4 sa bahaging south ng Palawan.
Matatandaang Hunyo 30, 2019 nang dumating sa Palawan ang MBLT-3 na tinaguriang “Tamed but Fierce Battalion” mula sa Western Mindanao Command (Wesmincom) na lumagi roon ng halos tatlong taon. Sila ang pumalit sa MBLT-12 upang manguna sa internal security operations sa northern Palawan na binubuo ng 14 munisipyo.