(left)LIATF Spokesperson Norman Yap (right) and CIO Richard Ligad

City News

COVID suspects sa Puerto Princesa hindi na pauuwiin sa tahanan upang mag-quarantine – LIATF

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 05, 2021

Sa virtual COVID-19 Update ng Puerto Princesa City Information Department ngayong Miyerkukes, May 5, 2022, ibinahagi ni City Legal Officer at LIATF Spokesperson Norman Yap na batay sa resulta ng pagpupulong ng LIATF kaninang umaga, tinutulan ng mga miyembro ang panukala na pauwiin ang mga antigen positive o COVID suspect/probable na walang nararamdaman o mayroon lamang mild symptoms. Sa ngayon kasi ay hindi pa “standardized” ang setup ng pagpapauwi ng ganoong uri ng pasyente.

Matatandaang ito ang nakitang hakbang ng City IMT upang maging maluwag ang punuan na ngayong mga pasilidad ng siyudad.

“To address the problem, magdaragdag tayo ng mga quarantine facility at magkakaroon na tayo ng quarantine facilities na tinatawag na ‘self-care facilities na kung saan, ang mga maa-admit po roon ay asymptomatic antigen patients or COVID probable cases,” ani Yap.

Sa “Self-care Facilities,” hindi na kailangang i-supervise ng mga doktor, nurse o medtech ang mga naroroon. Sa halip ay babantayan na lamang sila upang hindi sila makaaalis sa pasilidad, kung nakakakain sila ng tama, at titiyakin na hindi maging malala ang kanilang sitwasyon.

Aniya, nakahahawa rin naman ang mga asymptomatic na antigen positive kapag sila ay positibo sa COVID-19 kaya may dala pa ring banta.

Kapag nailatag ang “Self-care Facilities,”mas matututukan na umano ng mga healthcare workers ang mga moderate at critical symptoms na ilalagak naman sa “Moderate at Critical Facilities.”

Gaya ng tinuran ng Pamahalaang Panlungsod sa nagdaang mga araw, binanggit din ni Yap na magdaragdag din ng mga tao ngayon ang lungsod.

Matatandaan namang binanggit ni Assistant City Health Officer at kasalukuyang Commander ng IMT na si Dr. Dean Palanca na mula nang ianunsiyo noong Sabado ay may ilan na rin silang pinauwing antigen positive patients o mga taong hindi pa nakukumpirma kung positibo sa COVID-19. Una naman itong naipaabot sa mga Punong barangay na unang makipagpulong sa City Government bago ang  ipinatawag na press conference sa media noong unang araw ng GCQ.