City News

COVID-vaccines, hindi dahilan ng pagkamatay ng mga matatanda sa ibang bansa – CHO

By Angelene Low

February 07, 2021

Pinabulaanan ni Dr. Ricardo Panganiban, City Health Officer at Chairman ng Puerto Princesa City COVID-19 Vaccination Council, ang balitang kumakalat sa social media at maging mga news reports na bakuna kontra COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay ng mga matatanda sa ibang bansa.

“Wala pa po kaming nababalitaan na ganiyan namatay dahil sa bakuna. Meron pong namatay [pero] coincidental siya yun po yung mga report. Coincidental ibig sabihin binakunahan ka o hindi ay mamamatay na siya kasi may ibang problema sa kaniya.”

Aniya kung masama ito sa kalusugan ng tao ay lalabas naman umano ito sa pag-aaral ng mga eksperto dahil sa dami na ng taong nagpabakuna.

“Nagkataon lang na binakunahan din yun. Pero wala pa officially na sinasabi na ganun. Yung makikita yung may konting side effect yung mga ganun pero iilang milyon na kasi yung nabigyan diba? So ‘di sana kung may problema ‘di milyon milyon na rin yung nagkaproblema.”

Dagdag pa ni Dr. Panganiban, ang COVID-19 vaccination ay nakikita nilang parte ng ‘new normal’ at ang mga indibidwal na hindi magpapabakuna kontra sa nasabing virus ang lubos na maaapektuhan.

“Pero ‘pag nagbakuna na tayo, i-o-open na naming ito. Ine-new normal na natin ‘to so disadvantage ka kung wala kang bakuna. Makikihalubilo ka dahil wala kang bakuna [tapos] yung mga kasama mo may bakuna, so sino yung kawawa ‘diba?”

Paniguro nito, oras na dumating ang bakuna kontra COVID-19 ay agad din pagbabakuna sa lungsod ng Puerto Princesa.

“Once po na may dumating po, go na po kami. Kaya nga nag-pre-prepare na po kami. Hindi po kami makakapag-antay. Basta may dumating po na bakuna, gagamitin na po namin yun siya.”