City News

Dalawang daan na stranded na mangingisda sa Occidental Mindoro, inaasahang makauwi na sa Puerto Princesa

By Chris Barrientos

April 27, 2020

Nasa dalawang daang mangingisda mula sa Sablayan, Occidental Mindoro ang inaasahang makakauwi na dito sa lungsod ng Puerto Princesa sa mga susunod na araw.

Ito ang kinumpirma ni Commodore Armando Balilo, ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard sa bansa sa panayam ng Palawan Daily News.

Ayon sa opisyal, wala namang problema sa kanila kung papayagan sila ng lokal na pamahalaan ng Sablayan pero hindi na muna sila pababalikin doon hangga’t hindi natatapos ang problema sa COVID-19 sa bansa.

“Accordingly, ‘yung Sablayan… pinapaalis naman sila pero sinabihang ‘wag nang babalik. Ang problema daw ng mga mangingisda sabi nila, ayaw naman silang tanggapin sa Palawan kung saan sila galing,” ani Balilo sa panayam ng Palawan Daily News.

“Wala naman daw problem kung uuwi sila at pinapayagan naman silang mangisda doon [Sablayan] sabi ng aming tao doon pero doon lang sa Sablayan at wag silang lalayo. Pag lumayo sila at bumalik sila ng Palawan, ang bilin ng mayor ay doon nalang sila sa Palawan pumunta at wag nang babalik ng Sablayan,” dagdag pa ng opisyal ng Coast Guard.

Mahigpit din anya ang motoring ng Coast Guard pero limitado ang kanilang kapangyarihan dahil ang mga LGU ang may kontrol sa usapin ng pag-quarantine sa mga mangingisda.

“Hanggang doon lang kami sa monitoring sa kanila kasi LGU ang may control nung quarantine,” paliwanag ni Balilo.

Sa panig naman ng Coast Guard District Palawan – Puerto Princesa, sinabi ni Station Commander Severino Destura na naka-quarantine pa sa Mindoro ang mga mangingisda at naka-depende lamang sila dito kung papayagan na silang maglayag ng kanilang counterpart sa nasabing probinsya.

“Hindi pa po sila mabibigyan ng clearance hanggang hindi lifted ang ‘no sail policy’ or i-allow ng mga probinsya ang paglalayag nila pabalik sa Palawan,” ani Destura.

Paliwanag ni Destura, may inisyung no sail policy habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Luzon pero iba anya ang kaso ng mga stranded na mangingisda.

“May issuance po tayo ng no sail policy during ECQ so definitely po dapat ang mga local government ay ipinatutupad ang polisiya na ito ngunit dahil nga sa ang mga na-stranded na tao ay residente ng Palawan, ang desisyon po dapat ay manggagaling sa mga IATF ng mga probinsya,” dagdag ng opisyal.

Sa panig naman ng mga kaanak ng ilang mangingisda na stranded sa Occidental Mindoro, sinabi ng mga nakausap ng Palawan Daily News Team na handa naman silang sumunod sa panuntunan na ipatutupad ng city government kasama na ang pagsasailalim sa quarantine sa kanilang mga kaanak.

“Ayos lang po sa amin na i-quarantine sila at di muna pababain ng bangka kasi alam naman namin na para din ito sa ikabubuti nating lahat. Kahit wala silang sakit o COVID ba ‘yun, hindi naman kami makikipagtalo pa at alam narin nila ‘yun kasi nakakausap naman namin sila at gusto nalang talaga nilang makauwi,” pahayag ng isa sa kapatid ng mangingisda na nasa Sablayan sa PDN.

At dahil mula sa mga barangay ng Bagong Sikat at Bagong Silang dito sa lungsod ang mga stranded na mangingisda sa Sablayan, sinabi ni City Administrator Atty. Arnel Perdrosa na nakatakda nang pag-usapan ang plano at gagawin para sa kanilang pag-uwi.

“Magme-meeting na kami at pag-uusapan na namin ‘yan bukas (April 28) ‘yung Task Force COVID namin at idi-discuss ko din ‘yan ‘yung kalagayan nila at ano ang dapat nating gawin,” ayon kay Atty. Pedrosa sa interview ng PDN.

Samantala, sa mga Palaweñong mangingisda naman mula sa bayan ng Coron na nasa Pasig City at isinailalim sa health protocols at briefing ng PCG Task Group Laban COVID-19 Water Cluster, sinabi ni Balilo na maaari naman silang umuwi ng Palawan anumang oras o araw na gustuhin nila pero kailangan nilang makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan dahil kailangan parin nilang sumailalim sa quarantine sa lugar na kanilang pupuntahan.

“Pwede namang umuwi at depende sa kanila ‘yun kung kelan nila gusto,” giit ng opisyal.