Kapwa kinumpirma nina Punong Barangay Ronaldo “Mong” Sayang ng Barangay Sta. Monica at Punong Barangay Ryan Abueme ng Barangay Matahimik na mula sa kani-kanilang lugar ang dalawang Persons Deprived of Liberty o PDLs na nagpositibo sa COVID-19.
Pero agad nilinaw ni Sayang na hindi maaaring sabihin sa ngayon na ito ay nahawa ng iba pang nagpositibo rin sa sakit sa kanilang barangay.
“Dito talaga ‘yan nakatira sa amin ‘yong isa at very thankful din tayo dahil ‘yong pamilya n’ya ay pasok doon sa ating containment zone kaya from the beginning, na-hold na agad natin lalo na ‘yong possible transmission if ever man. Pero on the other hand, hindi natin agad masasabi na ito ay nahawaan dito sa Sta. Monica dahil malayo ang bahay nila doon sa iba pang positive at hindi sila magkakilala at walang close contact,” ani Sayang.
Sinabi pa ng opisyal na nagpapatuloy naman ang contact tracing ng city government upang matukoy kung saan at paano ito nagkaroon ng virus.
Ang pamilya naman nito anya ay patuloy na binabantayan at kasalukuyang naka-home quarantine at nakatakdang isailalim sa swab testing.
“Inaalam pa naman ‘yan ng IMT pero sa aking pananaw ay hindi talaga dito galing sa amin ‘yang virus kung paano s’ya nahawaan pero hihintayin parin natin ang official report mula sa mga otoridad.
Sa panig naman ng Barangay Matahimik, sinabi ni Kapitan Abueme na matapos malaman ang balita ay agad nitong ipinag-utos ang pag home quarantine sa pamilya ng PDL mula sa kanilang barangay na nagpositibo sa COVID-19.
“Agad nagsagawa ng contact tracing ang City Health Office at na-quarantine agad natin ang mga pamilya na nakasalamuha ng ating detainee at nasa apat hanggang pamilya sila mula sa aming barangay. Isinailalim narin agad sila sa swab test at hinihintay nalang natin ang resulta na sana naman po ay negative para matapos na ang problema natin,” ayon kay Kap. Abueme.
“Ito po ay mula sa Barangay Matahimik dyan sa bayan at ‘yong mga nabanggit naman na mula dito sa Bucana ay na-swab test narin at negatibo naman ang resulta. Pero lilinawin natin na ‘yong sa Bucana ay hindi close contact nung PDL nagkus ay doon naman sa nagpositibo sa palengke kaya magkaiba po ‘yan,” dagdag ng kapitan.
Sa kasalukuyan ay umaasa ang dalawang kapitan na hindi na madaragdagan pa ang mga bilang ng nagpo-positibo sa COVID-19 mula sa kanilang mga barangay maging sa buong lungsod ng Puerto Princesa dahil maging sila ay aminadong kapos narin sa pondo.
“Kung sa lebel ng barangay ay sagad na ang pondo namin at wala na kaming maibibigay at umaasa na lamang kami sa city government na alam naman natin na hirap narin talaga,” pagtatapos ni Abueme.