City News

Dating tagapagsalita ng Kapitolyo Rolando Bonoan naniwalang hindi napapanahon ang paghahati ng Palawan sa 3 probinsya

By Evo Joel Contrivida

February 17, 2021

Naniniwala ang dating tagapagsalita ng Kapitolyo ng Palawan at dating Board Member na si Rolando Bonoan Jr. na hindi akma sa panahon ngayon ang pagsulong sa paghahati ng lalawigan sa tatlong probinsiya. Sayang umano ang pondo para sa plebisito na magagamit pa sana sa mas makabuluhang bagay, gaya ng pagbili ng vaccine ngayong may pandemya.

Ayon kay Bonoan, sa kanyang karanasan sa pagsilbi sa nakaraang tatlong Gobernador ng Palawan, hindi naging usapin ang laki ng Palawan para pamunuan ito.

“Wala namang masama kung ma-divide ang isang probinsya kung talagang kinakailangan, pero para sa akin kasi hindi ito ang tamang panahon. Sa akin, to be honest with it, iba kasi ang pananaw ko sa intension ng pag-divide sa kanya. Alam mo, I worked with 3 Governors from Gov. Badong Socrates, Gov. Joel Reyes and Gov. Baham Mitra. Yung laki ng probinsiya, yung pag-govern ng Palawan, was never been an issue. Pag-govern ng Palawan ng isang Gobernador has never been an issue. The lingering issue there is the lack of funds to provide for the development programs & projects na kinakailangan ng mga kababayan natin sa iba’t ibang munisipyo,” Ani Bonoan.

Sa panayam kamakailan ng Story Café dito sa Palawan Daily News, idinetalye ni Bonoan na hindi rin totoo na agad lalaki ang magiging taunang Internal Revenue Allotment ng Palawan. May sinusunod kasi na alituntunin ang bawat pondong ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan. At kung hahatiin ito sa tatlong probinsya, mas magdudulot ito ng kakulangan sa maraming serbisyo ng bawat pamahalaan.

“If we check with the Provincial Treasurers office, the province is still highly dependent on the revenue allotment, 90% dependent, now ibig sabihin kapag dinivide mo ang IRA na to sa 3 probinsya mas liliit ito, hindi naman siya lalaki kaagad kasi ang IRA meron siyang formula na hanggang ngayon yun pa rin ang formula which is the population, land area and equal distribution, yun ang formula sa pagkwenta ng IRA na pupunta sa isang syudad, munisipyo at barangay,” Dagdag ni Bonoan.

Kumbinsido si Bonoan mas maraming bagay ang dapat pagtuunan ng pansin kesa ang plebisito. Mahalaga rin umano na ipaalam sa publiko ang totoong dahilan kung bakit isinusulong ito ngayon, ngunit nilinaw niyang personal niya itong pananaw.

“Hindi ko sinasabing mali ang naisip ng ating mga leaders, maybe may nakikita silang bagay kaya pinush nila yan. Pero sa akin, I don’t believe it’s the right time to do it, hindi sa ngayon especially with the kind of situation that we have. Bagsak ang national economy natin, tapos maraming tao ang walang trabaho, yung pera para sa plebisito puwede pa sanang magamit pambili ng vaccine muna, siguraduhin muna natin na hindi magkaroon ng COVID ang mga kababayan natin and later on pag usapan yan,” ani Bonoan. Umapela rin si Bonoan sa lahat ng Palaweño na boboto sa plebisito na nawa ay pakinggan ang mga nagpapahayag ng pagtutol sa plebisito kahit ito ay mga taga-Puerto Princesa at walang karapatan bumoto.

“Unfortunately karamihan ng nangangampanya for No ay mga taga-Puerto Princesa based. Pagdating mo sa mga munisipyo ang sasabihin lang nila, eh bakit nyo papakinggan yan eh hindi naman kasama sa atin yan? Ba’t sila magde-decide para sa atin? Pero sana pakinggan din natin kasi itong mga taga-Puerto Princesa bases na ito kahit hindi ito boboto dahil hindi sila qualified bumoto, pero may nakikita sila out of their concern being Palaweno. Kaya sinasabi nila na wag muna, pakinggan natin at balansehin natin. Very very important ito kaya kailangan maging tama ang ating desisyon, at sana maging malaya ang ating mga kababayan sa pagpili kung sila ba ay aayon o kokontra sa paghati ng ating probinsya,” Paliwanag ni Bonoan.