City News

Deputy Mayor ng PPC Northwest Barangays, may reklamo sa ONP

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 13, 2021

Naglabas ng saloobin si former City Councilor at kasalukuyang Deputy Mayor ng Northwest Mini-City Hall na si Modesto “Jonjie” Rodriguez II ukol sa dinanas umano niya mula sa isang nurse ng Ospital ng Palawan (ONP).

“Eksena sa ONP….After pag-practice-sang tusok-tusukin ‘yong kamay ko [ng karayom], maghanap na lang daw uli ng ibang marunong maglagay ng dextrose….Maga kamay ko eh! Pa’no kung sa bata mangyari to?????” ani Rodriguez sa kanyang post madaling-araw ng May 12, na ngayon ay isa na sa mga trending topics sa siyudad.

Sa hiwalay na panayam naman sa Chief Nurse ng ONP na si Tess Silva, hindi umano siya naniniwalang pinag-praktisan si Rodriguez ng kanilang mga nurse sapagkat pinag-aralan na nila iyon at ilang taon na rin nilang ginagawa.

“Rest assured na kami, hindi namin pinagpa-praktisan ang pasyente kasi siyempre mahirap ‘yon,” paliwanag ni Silva.

“There are different [types] na mga ugat — may mga ugat na madaling tusukan [ng karayom], mayroon namang mga ugat po na mahirap tusukan. Minsan kuha mo na ng isang shot [lang], minsan kailangan ng ilang tusok bago mo makuha; but I do not believe na napag-praktisan siya,” dagdag pa niya.

Ngunit magkagayunpaman, sa ngayon ay hiningian na umano ng pamunuan ng incident report ang involved na nurse o mga nurse ukol sa insidente.

“Yon po ang pagkakaalam ko, but I guess mayroon pa rin po siyang — based po doon sa post niya, medyo mayroong tusok malapit sa pulse, I  think po, nagkaroon kasi ng isang procedure sa kanya na tinusukan din po siya ro’n. Tingin ko dahil naka-cover ‘yon [sila ng PPE] baka inakala ni [former] Councilor, puro nurses po [ang nagbigay ng turok] sa kanya. I think may laboratory exam po na ginawa sa kanya na they need to insert needles sa kanya to get some blood,” dagdag panniya.

MAHIRAP MAGHANAP NG UGAT

Ipinaliwanag din niyang may mga pagkakataon talagang mahirap hanapin ang ugat ng isang pasyente.

“Medyo mahirap maghanap ng ugat [minsan], especially kapag dehydrated ang patient. Alam mo, mag-fever ka lang ng ilang araw sa bahay bago ka magpa-ospital, apektado na ang ugat mo no’n because ang pagkakaroon po ng lagnat, pwedeng magkaroon ng dehydration doon sa patient, hindi nga lang ganoon kabilis,” dagdag pa ni Silva.

Ibinahagi pa ni Chief Nurse Silva ang kanyang karanasan noong na-assign pa siya sa mga ward at sa emergency rooms.

“May instances na na-hit mo na ‘yong ugat, but then, kapag ifo-flow mo ‘yong dextrose, puputok. At saka, hindi lang naman po nangyayari ‘yon sa mga government hospital, all over the hospitals, nagkakaroon ng experience [na ganito]. Even siguro kahit matagal ka nang nagtatrabaho sa ospital, may mga instances na magkakaroon ka talaga ng ganoong sitwasyon,” aniya.

Dagdag pa niya, posible rin umanong nakadagdag sa factor na may sakit si former City Councilor Rodriquez kaya mahirap makita ang kanyang ugat at sa parte naman ng mga medical health worker ay dahil nakasuot sila ng PPE.

“[And] we need to consider po that the nurses, naka-PPE. Alam n’yo po ‘yong suot ng nurses doble, plus they wear the facemask, they wear the faceshield, ang hirap po every time na hihinga ka! ‘Pag humihinga ka, ‘yong hangin bumabalik. So, magmo-moist ‘yong face shield, plus considering na mahirap kapain [ang ugat] because you’re wearing gloves,” aniya.

Ngunit kahit magkaganoon ay batid naman umano nila ang mga kinaroroonan ng mga ugat na gagamitin para sa insertion.

Sa usapin na hindi agad nakita ang ugat na tusukan ng karayom, ani Silva, posible umanong nagkataon lang sa kaso ni Rodriguez.

Dagdag pa niya, sila umanong mga nars ay may polisiyang sinusunod na hanggang tatlong beses lamang na attempt at kapag hindi pa rin nahanap ang ugat ay tatawagin na lamang ang doktor sa huling desisyon kung papahingahin muna ang pasyente bago uli tuturukan o isagawa na lamang ang cutdown.

“Yong cutdown po ay hihiwain na po ‘yong balat para hanapin natin ‘yong ugat at diretsong ilalagay ‘yong canulla para makabitan ng swero ‘yong pasyente,” aniya.

Sa isinagawa naman umano niyang initial verification at clarification, lumalabas na dalawang pagkakataon na naturukan si Rodriguez na ang una ay noong siya ay na-admit sa ONP noong Mayo 5 at ang ikalawa ay noong bago siya inilipat sa Cooperative Hospital. Ngunit sa pagitan umano ay nagkaroon ng laboratory test na kailangan din siyang tusukan. Hindi pa umano nila alam kung alin doon ang tinutukoy ng opisyal na marami ang tusok niya.

“The second insertion was, ang alam ko, na-insert ng nurse but ‘yong ugat na natusukan, lumabas ‘yong fluid doon. So hindi natin pwedeng ituloy ‘yon, kailangan nating i-pull out,” saad niya.

Sa puntong iyon ay mas pinili umano ni Rodriguez na sa lilipatang pagamutan na lamang magpapakabit ng dextrose.

“I believe na ‘yong ambulance ng City ay dumating na [sa oras na iyon kaya] nag-opt na rin siya na doon na siya magpapa-insert sa Coop. I believe na parang nagsabi siya sa nurse na doon na lang siya sa Coop magpapa-insert,” ani Silva.

Nilinaw din ng Chief Nurse na kapag paulit-ulit ang pagturok ng karayom dahil hindi agad nakita ang ugat kung saan ituturok ang karayom ay ipinaliliwanag naman umano iyon sa pasyente.

Ngunit sa ikalawang post ni Rodriquez kahapon sa tinawag niyang “Praktis isyu,” mababasang magkasalungat ang tugon ng ONP sa kanyang kwento.

Sa paliwanag ng dating kagawad na kalakip naman ang paghingi ng paumanhin kung mayroon siyang mga nasaktan ay ang pagbabahagi rin niya sa umano’y tunay na naganap.

“No’ng paulit-ulit po akong tinuturukan ni nurse at hindi n’ya maitama ang tusok, nakiusap na po ako sa kanya na itigil n’ya na kasi hindi ko na po kaya ang sakit! Sumagot naman po s’ya sabi nya ‘Sige po sir, tutal ililipat na rin kayo, doon n’yo na lang po ipagawa at baka may mas marunong doon’ at ‘nag-thank you!’ naman ako,” ani Rodriguez.

Ngunit sa sagot umanong iyon ng nars kaya siya napaisip ng negatibo dahil iyon umano ang kanyang naging pakiramdam  lalo na sa tuwing nakikita niya ang mga pasa sa kanyang kamay.

“Sorry! po kung ganun, pasyente lang po ako. May mali rin po kasi siguro sa term na ginamit n’ya,” giit niya.

Samantala, matapos mag-post ng sentimiyento si Rodriquez sa social media, umani naman ito ng samu’t saring reaksyon, kabilang na ang  mga negatibong komento mula sa mga health workers. Si Rodriquez ay matatandaang nagpositibo sa COVID-19 noong nakaraang Huwebes.