Hiniling ni Kapitan Gerry Abad ng Barangay Mandaragat na aksyunan ng mga nakatataas ang nangyayaring diskriminasyon sa mga residente ng isang Barangay na may positibong kaso ng Covid-19.
Aniya, merong mga empleyado na taga Barangay Mandaragat na nakararanas ng diskriminasyon dahil umano sa naitalang bagong kaso sa barangay na nakahawa ng dalawa pang kaibigan at kaanak na taga Barangay San Jose at San Pedro.
“Meron po ako mga kabarangay na nagtatratabo sa mga establishment, may iba na hindi na pinapapasok sa establishment nila, ‘yun ay part na ng diskriminasyon kasi hindi naman lahat ng tao sa Barangay Mandaragat ay may virus, kasi ‘pag sinabi mo Mandaragat parang sinabi mo na lahat ng tao dito hindi naman dapat gano’n ang trato sa atin,” pahayag ni Abad.
Nanawagan si Kap. Abad sa mga establisyemento na maging patas ang pagtrato sa kanilang mga manggagawa lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan mas lubos na kailangan na maging masigasig sa trabaho para sa pamilya.
“Lalong lalo na ‘yung policy ng trabaho nila kapag wala kang trabaho wala ka ring sweldo so kawawa ang kabarangay ko-so ‘yun ang panawagan natin sa iba na mga establishment na ang empleyado ay taga Barangay Mandaragat,”
Hiling din ng kapitan sa ilang opisyal sa lungsod na aksyonan ang ganitong problema, dahil nagsasanga sanga ang problema sa oras na may nagpositibo sa isang barangay.
“Dapat po talaga gumawa ng hakbang ang mga nasa higher sa lungsod ng Puerto Princesa, kasi kagaya nyan every time na may Barangay na mababanggit na may mag positibo parang ang dating e-generalize mo na yung pag trato doon sa mga taong naninirahan sa Barangay, ‘wag naman,”
Samantala, negatibo naman ang resulta ng pagsusuri sa pamilya ng COVID-19 positive patient mula sa Barangay Mandaragat. Plano umano ng City Health Office na i-quarantine ang mga ito ng sampung araw bago pabalikin sa kanilang bahay.