Mag-iisyu na ng Barangay Certification si Punong Barangay Ronaldo “Mong” Sayang ng Sta. Monica para sa mga empleyadong nagrereklamo matapos pauwiin ng kanilang mga employer sa kadahilanang residente sila ng nasabing barangay kung saan mayroong anim na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Sayang, ito ay upang tanggapin o pahintulutan ang kanyang mga kabarangay na makapasok sa trabaho gayung hindi naman sila nakatira sa mga lugar na natukoy bilang “critical zone” sa Sta. Monica.
“Totoo ‘yan at marami na tayong natanggap na sumbong kaya magbibigay na ako ng katunayan na itong mga ito ay hindi naman kasamang nakatira doon sa mga lugar na pasok o malapit sa tinatawag nating critical zone. Parang discrimination narin kasi ‘yan sa kanila kaya nalulungkot tayo at parang nadudurog ang puso natin,” ani Sayang.
“A-aksyunan natin ‘yan para matulungan ang ating mga kabaranggay at papasukin na ng kanilang mga employer dahil hindi naman sila dapat katakutan,” dagdag ng opisyal.
Sa panig naman ng Department of Labor and Employment, sinabi ni DOLE Palawan Field Officer Luis Evangelista na bagama’t prerogative ng employers kung sino ang papapasukin nito sa trabaho at hindi, kailangan parin anyang tingnang mabuti ang sitwasyon.
Ayon kay Evangelista, malinaw naman sa mga balita maging sa mga anunsyo ng Barangay Sta. Monica kung ano lamang ang mga lugar na kasama sa lockdown at nangangahulugan lamang na hindi ito kabuoan ng barangay.
Dahil dito, dapat anyang ikonsidera ng employers ang kalagayan ng kanilang mga empleyado sa usapin ng pagpasok sa trabaho.
“Hindi natin masisi ang mga employer to act on their own for the safety of other employees pero hindi rin dapat mag-suffer ang other employees na hindi makapasok dahil lang residents sila ng Sta. Monica. Pwede kasing pumasok dyan ang leave credits ng employee o di naman ay idaan sa magandang usapan sa pagitan ng magkabilang-panig,” ani Evangelista.
“They have to confirm with the Barangay Captain kung ito bang mga worker na ito ay kasama sa mga lugar na nasa critical zone na gagawin narin naman daw ng barangay. Hindi natin sila pwedeng kasuhan subalit dapat tingnan s’ya in a large perspective kung ang worker ay kasama sa area pero kung hindi, may mali si employer,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng Field Officer ng DOLE Palawan na wala namang may gusto ng mga nangayayari ngayon kaya dapat pairalin ang pagiging makatao.
“Huwag nating gamitin ang pandemya sa pansarili lamang. Huwag nating gamitin ang pandemya para makagawa ng dahilan para hindi magpapasok at mag-discriminate ng isang tao,” apela ni Evangelista sa mga employer.