(kaliwa) Deputy Mayor Modesto “Jonjie” Rodriquez II (gitna), Puerto Princesa Ex-Mayor Edward Hagedorn, (kanan) Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron

City News

Ex-Mayor Hagedorn, nangako umanong hindi na kakalabanin sa eleksyon si Bayron

By Diana Ross Medrina Cetenta

April 08, 2021

Mula sa pagiging magkalaban sa pulitika, kamakailan ay hayagan nang ipinakita ni Puerto Princesa Ex-Mayor Edward Hagedorn ang kanyang pagsuporta sa administrasyong Bayron.

Kinumpirma ito ng Deputy Mayor ng Mini-City Hall para sa mga Northwest Barangays na si Modesto “Jonjie” Rodriquez II na naging saksi umano sa naging pag-uusap ng dalawang lider ng lungsod na sumentro umano sa pagkakaisa at pagtutulungan para sa mga mamamayan.

“Yon ‘yong kanyang (Hagedorn) sinabi na susuporta na siya kay Mayor [Lucilo] Bayron nang hindi na magkaroon ng laban-laban, [na] magkaisa [na] nang sa gano’n ay wala nang istorbo [at] magagawa na rin ni Mayor Bayron sa Puerto [Princesa] ang [kanyang] mga proyekto at programa na gusto niyang gawin dito. Anyway, ‘yan din ang gustong gawing ni [former] Mayor Hagedorn,”  ayon kay Rodriquez.

Ayon pa sa Rodriguez, nagkausap ang dati at ang kasalukuyang alkalde ng lungsod noong Abril 6 kaugnay ng mga kasalukuyang proyekto at programa na ginagawa ng City Government. Ibinahagi rin ang resosnibilidad na inatang sa mga Mini-City Hall.

Matatandaang naging usap-usapan sa social media kung bakit magkasama ang dating may hidwaang mag-brother-in-law na sina Bayron at Hagedorn sa post na larawan ni Rodriguez kaya ang iba ay nagkaroon ng haka-hakang magkaalyado na ang dalawa.

“Yong itong magandang development, hindi lang sa magkabilang panig kundi in general sa Puerto Princesa, lalo ngayon, nakaka-experience tayo ng pandemya, napakaganda na ‘yong ating mga tinitingalang lider ay nagkakaisa at nagtutulungan kung ano ang maganda para sa ating lungsod. Kung baga, isinasantabi [nila] ‘yong mga personal interes [nila] dahil ito ay interes ng mga mamamayan sa Lungsod ng Puerto Princesa,”  wika pa niya.

Tinuran din ni Rodriguez na nilibot din nila ang dating Alkalde sa mga proyektong pinapagawa ng City Government sa kasalukuyan.

“Nakatutuwa lang na during sa kanilang pag-uusap ay napagkwentuhan nila ang mga masasayang pangyayari in the past,”

Sa kabilang dako, wala naman umanong napag-usapan kung tatakbo ba sa ibang posisyon si Hagedorn.

“The only politics-related na napag-usapan doon ay ‘yong commitment ni [former] Mayor Edward Hagedorn ay hindi na ng siya tatakbo [sa halalan] at siya ay susuporta [na lamang] kay Mayor Bayron para wala nang laban-laban.

“Doon sa buong pag-uusap na ‘yon, siguro five percent lang sa pulitika, 95 percent ang kwentuhan sa pamilya,” ani Rodriguez.