Patay ang isang ginang matapos pagtatagain ng kanyang dating live-in partner habang nagbigti naman ang suspek sa BM Road, Barangay San Manuel kaninang madaling araw, May 17.
Kinilala ang biktima na si Michelline Misola, nasa hustong gulang habang ang suspek naman na nagpakamatay din matapos ang krimen ay kinilalang si Gerard Gilbison.
Ayon kay Ron Palomo na saksi sa krimen at kasama rin sa bahay ng biktima at suspek, nagulat na lamang sila ng biglang magsisisigaw si Misola at nakitang pinagtataga na ito ng suspek.
Maging siya anya ay tinangka ring patayin subalit nakatakbo s’ya palabas para humingi ng tulong subalit sa kanyang pagbalik ay wala nang buhay ang kanyang kaibigan at nakita narin ang suspek na nakabigti na.
Sinabi pa ni Palomo na selos ang nakikita niyang dahilan dahil sa bagama’t magkasama pa sa bahay ang dalawa ay hiwalay na ang mga ito.
Sa ngayon ay patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen.