City News

Health and safety protocol hindi sinusunod sa New Market – Kap. Estrella

By Gilbert Basio

February 09, 2021

Pahirapan sa parte ng mga opisyal ng Barangay San Jose ang pagpapatupad ng health and safety protocols sa kanilang nasasakupan partikular na sa New Public Market. May ilan kasi na hindi na nagsusuot ng face mask at hindi na sinusunod ang social at physical distancing.

“Sa social distancing pagdating sa market yun po ang problema namin, bagamat nasasaway din namin yan. Ito lang po sa new market kasi halimbawa nasaway na hindi naka-face mask hindi naka face shield pagpinuntahan magsuot man sila ng face mask pero pagkatalikod ng mga COVID Marshal [at] ng tanod wla rin balik din. Hindi man puwede na ang tanod at ang COVID Marshal nakatambay doon sa kanila,”

Aminado rin ang kapitan na wala silang magagawa dito kundi paalalahanan lamang ang mga mamamayan na ugaliing sumunod sa ipinapatupad na kaligtasan para sa kalusugan ng lahat laban sa kinakaharap na pandemya.

“Pakiusap ko lang po sa mga kabarangay ko na wag tayo [maging] kampante, gumamit tayo ng facemask. Naging kampante kasi,”

Ayon kay Lia Austria namamalengke rin sa lugar, kapansin-pansin ang ilang mamimili at maging ang ilang manininda na hindi na nagsusuot ng facemask at hindi na sumusunod sa social distancing.

“Honest hindi [sumusunod sa health and safety protocol] even sa mga tindera hindi sila nagma-mask, wala talaga silang mask kahit nakasabit man lang sa baba nila, wala rin ako nakikita na nagbabantay,”

Samantala sa Barangay Hall naman umano ng San Jose ay pinapayagan na nila kahit walang face shield dahil naka-window transaction sila at mahigpit umano na ipinapatupad ang social distancing.